Mga Laro sa Linggo
(Cuneta Astrodome)
3 p.m. AirAsia Flying Spikers vs PLDT Home TVolution (women’s)
5 p.m. Cagayan Valley Lady Rising Suns vs
Cignal HD Spikers (women’s)
7 p.m. Cignal vs IEM (men’s)
LUMABAS uli ang dating tikas ng RC Cola-Air Force Raiders upang ang inaasahang dikitang laro ay mauwi sa 25-17, 25-18, 25-15 straight sets panalo sa expansion team AirAsia Flying Spikers sa 2014 PLDT Home-Philippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference volleyball tournament kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
May 14 kills tungo sa 15 puntos si Judy Ann Caballejo habang si Joy Cases ay may 14 puntos para sa Raiders na tinabunan ang straight sets pagkatalo sa Petron sa huling laro upang sungkitin ang ikaapat na panalo sa limang laro sa ligang inorganisa ng Sports Core at handog ng PLDT Home DSL bukod sa ayuda ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical.
Dominado ng Raiders ang kabuuan ng laro dahil patuloy ang pangangapa ng Flying Spikers sa pormang ipinakita nang nanalo sila ng dalawang sunod sa liga.
Nawala ang kinang ng opensa ng AirAsia at patunay rito ang tig-walong puntos lamang na naitala nina Cha Cruz at Stephanie Mercado para pangunahan ang koponan.
“Maganda ang ipinakita ng mga bata at talagang gusto nilang bumawi,” wika ni Raiders coach Clarence Esteban.
Ito ang ikalawang sunod na pagkatalo ng tropa ni coach Ramil de Jesus para makasalo ang pahingang Generika-Army at PLDT Home TVolution sa ikatlo hanggang ikalimang puwesto sa pitong koponang liga.