Maegan Aguilar nilalangaw ang mga show sa iba’t ibang bar


Ayan, naglalabasan na tuloy ang mga kuwento tungkol kay Maegan Aguilar mula sa mga kababayan nating nakasabayan niya sa pagpuwesto sa mga bar.

Hindi na raw bago ang kamalditahan ng panganay na ito ni Ka Freddie Aguilar, dati na raw siyang ganyan, kulang sa pansin at masyadong reklamadora.

Ang mga bar kasi ay meron lang budget para sa pagkain ng kanilang mga performers, suwerte nga ang mga musikerong may libreng hapunan sa pinupuwestuhan nila, dahil may mga bar na wala talagang ihinahandang pagkain para sa kanilang mga entertainers.

Du’n nag-iinarte si Maegan, ayon sa aming impormante, gusto niyang mapaiba sa iba dahil hindi raw naman siya patakbuhing performer.

Anak daw siya ni Ka Freddie, sikat daw ang kanyang tatay, music icon na raw ito kaya dapat ay nirerespeto siya ng mga bar na pinupuwestuhan niya.

Tingnan n’yo nga naman, panay-panay ang paggasgas niya sa pangalan ng tatay niya sa kanyang karera, pero ngayon ay akala mo na pinakamasamang tao sa mundo ang kanyang ama nang muling mag-asawa.

Meron pa siyang sinabi na pinagsisisihan daw niya na si Ka Freddie ang kanyang naging ama, naging ugaling-iskuwater na raw kasi ito mula nang dumating ang kanyang madrasta, samantalang kundi naman sa kanyang ama ay imposible siyang makilala dahil hindi naman ganu’n kalutang ang kanyang pagkanta.

Walang utang na loob, ‘yun lang ang salitang maaaring ikapit ngayon kay Maegan Aguilar bukod sa pagiging bastos na anak, hindi siya marunong magpahalaga sa kanyang magulang at lalong hindi marunong lumingon sa kanyang pinagmulan.

“Saka hindi siya malakas sa tao, bilang na bilang ang nanonood sa kanya. Kundi pa sa mga waiters ng bar, puro silya lang ang makikita mo habang kumakanta siya,” impormasyon ng isang pang source.

( bandera.ph file photo )

Read more...