Gin Kings, Beermen magkakasubukan


Mga Laro Ngayon
 (Philsports Arena)
5:45 p.m. Globalport
vs. Air 21
8 p.m. Barangay Ginebra vs. San Miguel Beer

APAT na koponang galing sa kabiguan ang pilit na babangon sa magkahiwalay na laban sa PLDT Home Telpad PBA Governors Cup mamayang gabi sa Philsports Arena, Pasig City.

Pinapaboran ang Air21 kontra Globalport sa ganap na alas-5:45 ng hapon samantalang walang itulak-kabigin sa duwelo ng San Miguel Beer at Barangay Ginebra  alas-8 ng gabi.

Ang Express ay natalo sa overtime, 113-109, sa defending champion San Mig Coffee noong Lunes  at kasosyo ngayon ng Beermen sa kartang 4-3.

Sa larong iyon ay lumamang ang Express, 80-69, papasok sa fourth quarter subalit hindi napigilan ang comeback ng Mixers na nakatabla, 105-all sa pagtatapos ng regulation period.

Sa kabilang dako, ang Globalport ay tinambakan ng Barako Bull, 122-98, noong Linggo. Iyon ang ikalimang sunod na kabiguan ng Batang Pier na ngayon ay nangungulelat sa record na 1-6 at nagdedelikadong hindi makarating sa quarterfinal round.

Ang Express ay binubuhat nina Dominique Sutton, Paul Asi Taulava, Joseph Yeo, Mark Cardona at Aldrech Ramos. Maka-katunggali nila sina Dior Lowhorn, Jay Washington, Alex Cabagnot, RR Garcia at Terrence Romeo.

Ang San Miguel Beer ay hiniya ng Meralco, 80-67, sa kanilang out-of-town game sa Cagayan de Oro noong Sabado. Ang Barangay Ginebra naman ay dinaig ng Rain Or Shine, 117-108, noong Linggo sa Biñan, Laguna at bumagsak sa 4-2.

Hindi pa rin nakapaglalaro sa San Miguel Beer ang mga injured players na sina Marcio Lassiter, Paolo Hubalde at Chris Ross.
Subalit hindi naman kinukulang sa firepower ang Beermen na nanggagaling kina  Reggie Williams, June Mar Fajardo, Arwind Santos, Solomon Mercado at Chris Lutz.

Matindi naman ang mga huling laro ng Gin Kings. Matapos ang Beermen mamaya ay makakatapat nila ang Alaska Milk sa Biyernes at ang nangungunang Talk ‘N Text sa Linggo.

Ang Gin Kings ay pinangungunahan nina Zaccheus Mason, Mark Caguioa, LA Tenorio, Chris Ellis, Japhet Aguilar at Gregory Slaughter.

( Photo credit to inquirer news service )

Read more...