LEBRON BINUHAT ANG HEAT SA GAME TWO

SAN ANTONIO — Tulad ng inaasahan siniguro ni LeBron James na makakabangon sila buhat sa kabiguan matapos na pamunuan ang Miami Heat sa panalo kontra San Antonio Spurs sa Game 2 ng NBA Finals, 98-96, kahapon.

Si James, na hindi natapos ang huling apat na minuto ng Game 1 noong Biyernes, ay gumawa ng 35 puntos at 10 rebounds para sa Heat na itinabla ang kanilang finals series sa 1-all.

“Obviously, having No. 6 in the game at the end was a plus for us,” sabi ni Dwyane Wade. Si Chris Bosh ay tumira ng go-ahead 3-pointer mula sa pasa ni James may 1:18 ang nalalabi sa laro para makalayo ang Heat, na nanalo ng 13 diretsong laro matapos manggaling sa pagkatalo sa postseason.

At tulad ng nangyari noong isang taon, muli silang bumangon matapos matalo sa Game 1 ng Spurs. Si Bosh ay nagtala ng 18 puntos para sa Heat, na uuwi na sa kanilang homecourt para sa Game 3 bukas.

Si James ay naglaro ng mahigit 37 minuto kung saan nakapagbuslo siya ng 14 sa 22 na tira. Tumira siya ng 1 for 4 sa unang yugto subalit sinundan niya ito ng pagbuslo sa 11 sa kanyang sumunod na 13 tira.

Si Tony Parker ay umiskor ng 21 puntos habang si Tim Duncan ay nagtala ng 18 puntos at 15 rebounds para sa Spurs, na nanalo ng walong sunod sa kanilang homecourt ng aabot sa 15 puntos.

( Photo credit to INS )

Read more...