Sa kabila ng pag-usad ng panahon, sa kabila ng pag-unlad ng teknolohiya at sa plano nang pagpapadala ng mga tao sa planetang Mars, ang kulturang Pilipino ay buhay na buhay pa rin.
Hindi pa rin inaanod ng baha ang mga nakaugalian natin, nakahawak pa rin tayo sa matatandang paniniwala, pinakalutang sa lahat ang paggalang sa mas nakatatanda sa atin lalo na sa ating mga magulang.
‘Yun ang unang-unang ibinabatong paghusga ngayon laban kay Maegan Aguilar, panganay na anak ng musikerong si Ka Freddie, na sa panukat ng ating mga kababayan ay sumosobra na ang katabilan ng bibig.
Galit na galit sa kanya maging ang mga kabataan at hindi ang matatanda lang, ibig sabihi’y nakatatak pa rin sa utak ng mga Pinoy ang matinding paggalang sa ating mga magulang, isang bagay na walang-wala na ngayon sa utak ni Maegan.
Hindi rin namin alam kung saan kumukuha ng lakas ng loob at kakapalan ng mukha itong si Maegan sa mga ginagawa niyang pang-aalipusta sa kanyang ama at sa bagong asawa nito.
Kinikilabutan kami sa mga ginagawa niyang pangmamaliit sa kanyang madrasta, sobra ang galit ni Maegan sa nagpapaligaya ngayon sa kanyang ama, nagtutulong pa sila ng kanyang Tita Marlene sa pangungutya at paninira sa babaeng ni hindi nga kumikibo.
Kung sinuman ang nagbubulong kay Maegan para salahulain ang kanyang ama ay kailangan silang pag-untugin, dapat silang ibitin nang patiwarik, para maintindihan nila nang patuwad ang mga bagay-bagay na sobra na sa nararapat lang.
Nakakagulantang ang babaeng ito, parang nawalan ng saysay sa kanya ang paaralan, halatadong absent siya nang ituro ang GMRC. Kailangang bumalik sa grade one ang Maegan Aguilar na ito. Sa totoo lang.
( bandera.ph file photo )