Mga Laro sa Miyerkules
(Cuneta Astrodome)
2 p.m. AirAsia Flying Spikers vs RC Cola-Air Force Raiders (women’s)
4 p.m. Systema vs IEM (men’s)
7 p.m. PLDT-Air Force vs
Via Mare (men’s)
NAGHATID ng mga puntos si Dindin Santiago sa lahat ng departamento para itulak ang Petron Lady Blaze Spikers sa 25-22, 25-13, 26-24 panalo sa RC Cola-Air Force Raiders sa 2014 PLDT Home DSL Philippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference volleyball tournament kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Hindi umabot sa average niyang 34 puntos sa unang dalawang laro si Santiago pero sapat ang ginawang 19 kills at tig-dalawang blocks at aces tungo sa 23 puntos para itulak ang Lady Blaze Spikers sa ikatlong sunod na panalo at agawin ang solo liderato sa ligang inorganisa ng Sports Core at handog ng PLDT Home DSL na suportado pa ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical.
May 11 puntos si Sandra De Los Santos habang tig-walo ang ibinigay nina Maica Morada at Carmina Aganon para sa Petron na kinakitaan din ng 13 digs mula kay Jennylyn Reyes at 24 excellent sets kay Mary Grace Masangkay.
“Pinaluan agad ni Dindin sa first set bago kami gumawa ng ibang plays sa second at third sets,” wika ni Petron coach George Pascua.
Kinailangang hindi isentro kay Santiago ang laro dahil may iniinda ito sa kanyang tuhod at sinasabing pinagpapahinga ng dalawang linggo para agad itong gumaling.
Ito ang unang pagkatalo ng Raiders at nangyari ito dahil wala ni isa sa kanila ang tumapos sa doble-pigura sa laro.
Ang dating sinasandalan na sina Judy Ann Caballejo, Iari Yongco at Joy Cases ay naghatid lamang ng 8, 8 at 6 na puntos para bumaba ang koponan sa ikalawang puwesto sa pitong-koponang liga.