Jay ‘Venus’ Castañeda: Master Kusinero champion ng Isabela

Kagila-gilalas ang lutuin ng Isabela. Hindi ko inakala na sa isang malayong lugar sa hilagang-silangan ng Luzon ay may isang lalawigan na ang mga handog na pagkain ay hitik sa sangkap at sarap.

Nakaluklok ang Isabela sa malawak na lambak ng Cagayan sa pagitan ng Sierra Madre sa silangan at Cordillera sa kanluran.
Sa lambak na ito ay dumadaloy ang isa sa pinakamalalaking ilog sa Pilipinas, ang Cagayan River, na ang bukal ay nagmula sa Sierra Madre at bumabaybay sa mga lalawigan ng Isabela, Cagayan at Abra.

Ang Cagayan River, kasama ng Magat River, sa tulong ng Magat Dam at Maris Canal ang siyang nagbibigay ng irigasyon sa mga sinasakang lupain ng Isabela.

Welcome Dinner
Kasama ang isang maliit na delegado mula sa media, kami ay naimbitahan ni Francis ‘Kiko’ Dy na kumakatawan sa kanyang ama na si Gov. Bojie Dy ng Isabela upang subukin ang mga tradisyonal at modernong pagkain ng lalawigan.

Kasama si Jessica Gallegos, ang katuwang sa negosyo ni Kiko, sinigurado nila na ang apat na araw namin sa Isabela ay magiging abala at punong-puno ng galak dahil sa alay na pagkain ng Isabela.

Mula sa paliparan ng Tuguegarao ay naglakbay kami ng halos dalawang oras patungo sa tahanan ng gobernador sa Cauayan, Isabela.  Hindi pa man kami nakakapagpahinga ay dumiretso na kami sa kusina upang panoorin ang masinsinang lutuan na nagaganap.

Dito namin natunghayan si Rodolfo dela Cruz, ang barangay chairman ng Nagcampegan ng Cauayan, na nagluluto ng Siniwsiwan, isang uri ng dinuguan na ang gamit ay dugo at lamang-loob ng manok.

Master Kusinero
Dito rin namin nakilala si Jay “Venus” Castañeda, ang 19-taong-gulang na kampeon ng katatapos lamang na Master Kusinero culinary competition.

Para sa aming unang hapunan ay nilikha ni Jay ang dalawa niyang premyadong lutuin: Isabela’s Treasure at Malonga Isabela.
Ang Isabela’ Treasure ay isang lutuin na ang tampok ay tilapia na nahuli mula sa mga baklad sa Magat Dam.

Ang tilapia ay nilinis, binalatan at tinanggalan ng tinik. Ito ay nirolyo sa kaning pula na niluto na may kasamang kangkong at binalot muli ng bacon, binudburan ng arina, nilublub sa binating itlog at pinagulong sa bread crumbs o pinulbos na biscocho saka prinito sa mantika.

Samantala ang Malongga (mais at langgonisa) ay isang pampagana na parang tamales. Gawa ito sa mais, ang pangunahing produkto ng lalawigan, at ang popular na Isabela longganisa ni Aling Belen (na na-feature sa Bandehado noong isang linggo).

Kasama rin ang saging na saba, itlog na maalat at keso. Pinaghalo-halo ang lahat ng sangkap at binalot sa dahon ng saging saka prinito sa mantika.

Gumawa rin si Jay ng Adobo Isabela, kung saan ang baboy ay niluto sa gata at suka na gawa sa dahon ng Samak, Elephant’s Ear Tree, Paper Tree (Macaranga tanarius Linn.) o Gamu sa salitang Ibanag na ngayon ay pinag-aaralan ng mga guro at estudyante ng Isabela State University upang gawing produktong pangkabuhayan.

Ang mga resultang lutuin ay isang elegante at masarap na paggamit ng piling sangkap na matatagpuan lamang sa Isabela.
Nagpakitang-gilas si Jay sa paggawa ng mga tampok niyang mga lutuin habang ikinukwento niya ang kanyang buhay.

Nagtapos ng kursong Bachelor of Technical Teacher Eduacation si Venus mula sa Isabela State University- Ilagan Campus.  Siya ay ipinanganak sa Barangay Santa, Tumauini.

Ang kanyang ina ay isang Ibanag at ang kanyang ama naman ay isang Tagalog na taga-Nueva Ecija. Pito silang magkakapatid, limang babae at dalawang lalaki. Si Jay ang  bunso.

Sa simula’t sapul ay mahilig nang magluto si Jay ng mga malikhaing lutuin. Bagamat wala siyang pormal na pagsasanay sa larangan ng kulinarya, parang napupusuan niya na sa direksyong ito niya nais makipagsapalaran.

Kaya nang hinikayat siya nina Chit Palencia, executive director ng Isabela Green Ladies Organization (IGLO), at Dr. Demetrio Anduyan, Dean ng College of Industrial Technology and Education ng ISU-Ilagan Campus, hindi na siya nagdalawang-isip na sumali sa patimpalak ng lalawigan, ang Isabela Master Kusinero, na inorganisa ng IGLO sa pamumuno ng unang ginang ng probinsya na si Madam May Ann Dy.

Tinanghal si Jay bilang over-all winner sa Isabela Master Kusinero noong Abril 5. Nakatunggali niya ang 16 na kalahok mula sa iba’t ibang distrito ng Isabela.

Kung may katanungan o mungkahi mag-text lamang sa 09175861963. Huwag kalimutan ang kumpletong pangalan at lugar.

Kung may mungkahi, reaksyon o katanungan, mag-text po lamang sa Smart: 0947 693 0231 at sa Globe/TM: 0936 591 6380. Huwag kalimutan isulat ang pangalan at  lugar.   Salamat po.

Malongga Isabela

Mga Sangkap
1/2 kg Isabela logganisa, inalis sa sisidlan
2 tasa ng kinayas na dilaw na mais
2 kutasarang cornstarch o gawgaw
2 itlog
2 itlog na maalat, hiniwa nang maliliit
3 saging na lakatan, hiniwa nang pahaba
1/4 na bloke ng keso, ginadgad
10-20 dahon ng saging na pinutol nang pakuwadrado na may 8 x 8 pulgadang sukat, sinalab at pinunasan.

Paggawa
1. Igisa ang Isabela longganisa kasama ang kinayas na mais.
2. Magbati ng itlog at ihalo ang cornstarch upang gumawa ng binder.
3. Ihalo ang binder sa ginisang longganisa at mais.
4. Kumuha ng dalawang kutsara at ilagay sa malinis na dahon ng saging.
5. Lahukan ng saging na lakatan, itlog na maalat at keso, saka ito balutin at itali ang magkabilang dulo.
6. Prituhin sa mainit na mantika ng 10 minuto, hanguin at palamigin.
7. Sa pagaaahin, buksan nang bahagya ang pambalot na saging at budburan ng adobo flakes.

( Larawan  ni Raffy  Zulueta )

Read more...