Mga Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
3 p.m. RC Cola-Air Force vs Petron
5 p.m. AirAsia vs Generika-Army
7 p.m. Systema vs Via Mare
Team Standings: Women’s Division – RC Cola-Air Force (3-0); AirAsia (2-0); Petron
(2-0); PLDT (2-2); Generika-Army (1-2); Cagayan Valley (1-4); Cignal HD (0-3)
Men’s Division – PLDT-Air Force (3-0); Cignal HD (2-1); IEM
(1-1); Systema (0-2); Via Mare (0-2)
PATUTUNAYAN ngayon ng nagpapasikat na RC Cola-Air Force Raiders na totoo ang maagang pamamayagpag sa 2014 PLDT Home-Philippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference volleyball tournament sa pagharap sa Petron Lady Blaze Spikers ngayong hapon sa Cuneta Astrodome, Pasay City.
Unang laro ito sa ganap na alas-3 ng hapon at labanan ito ng dalawang koponang hindi pa natatalo sa ligang inorganisa ng Sports Core at handog ng PLDT Home DSL bukod sa suporta ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical.
Ang nagpapasikat ding expansion team na AirAsia Flying Spikers ay magbabalak na kunin ang ikatlong sunod na panalo sa pagbangga sa two-conference champion Generika-Army dakong alas-5 ng hapon habang ang Systema at Via Mare ay mag-uunahan sa pagsilo ng unang panalo sa men’s division sa ikatlo at huling laro dakong alas-7 ng gabi.
Solong nasa unahan ang Raiders matapos manalo sa unang tatlong laro pero ang tunay na tikas ng koponan ay makikilatis sa Petron na ibinabandera ng top pick na si Dindin Santiago.
May 2-0 karta ang Petron at ito ay dahil sa matinding pag-atake ng 6-foot-2 na si Santiago na naghahatid ng 34 puntos average.
“Kailangang pigilan si Dindin Santiago. Ito ang gagawin namin,” wika ni Raiders coach Clarence Esteban na aasa pa sa husay nina Maika Ortiz, Judy Caballejo at rookie Jocemer Tapic.
Itataya rin ng Flying Spikers ang 2-0 karta sa pinalakas na Lady Troopers.
Tinapos ng koponan ang dalawang sunod na pagkatalo nang manalo sa Cagayan Valley Lady Rising Suns sa huling laro.
Bukod sa momentum, inaasahang babalik na rin ang setter na si Tina Salak para pamahalaan ang opensa ng koponan.
Huling naglaro ang koponang pag-aari ni Dr. Mikee Romero noon pang Mayo 21.