Least o most guilty?

SA panayam naming kamakailan sa abogado ni Janet Lim Napoles na si Bruce Rivera, sabi niya: “Sino ba namang sira-ulo ang maglilista ng lahat ng ilegal niyang transaksiyon sa gobyerno?”

Teka, teka, sabi ko naman, “So, ang ibig ninyong sabihin, alam niya talaga na ilegal ang kanyang mga transaksiyon?”

Dead-air.

Sabay-bawi ni Bruce: “Ah, noong simula hindi pero kalaunan oo, pero hindi na siya maka-urong kasi andun na siya” sagot naman uli ni Rivera. Now what does this simple exchange on air tells us?

Hindi maaaring pasubalian na hindi talagang puwedeng igiit ng kampo ni Napoles na least guilty siya. Kahit sabihing illegal ang transaksyon, lalagyan at lalagyan pa rin ng mga papeles para magkaroon nga naman ng semblance of official transaction. Kaya may paper trail pa rin.

At saan nga nagmumula ang galaw ng mga dokumento? Ng SARO? Eh di sa mga ahensiya mismo na siyang pagmumulan ng pondo. Alokasyon ang sa mga mambabatas, ang pagpapakawala ng pondo ay sa mga ahensiya and by this time, alam na natin ang papel ni Napoles, taga-advance ng pera sa mga mambabatas na hindi makapaghintay sa kanilang bahagi.

Si Napoles at ang kanyang mga pekeng NGO ang nagbibigay naman ng semblance ng legitimacy sa beneficiary ng mga project kuno ng mga mambabatas.

Least guilty? Most Guilty? – they all fall in the same category. Kung mayroong isang bagay na hindi mapapasubaliang pagkakatulad ni Napoles at ng kanyang mga naka-transaksiyon sa gobyerno—silang lahat, naging gahaman!

Ano naman ang tawag sa mga pilit binibigyang katwiran ang ugnayan kay Napoles, o yung walang pasubaling nagtatanggol sa kanilang mga kaalyado? Hindi ba’t guilty rin?

Kung ikaw si Napoles and you have all these documents – ang pinakamaiman na gawin ay ingatan ang mga ito dahil ito ang maaaring magbigay ng proteksiyon o depensa. Hindi na ito usapin ng least or most guilty.

At sa tingin ninyo, sa tuso nitong si Napoles—sa ilang kamay na kaya naitago ang mga dokumentong sabi ng kanyang abogadong si Rivera ay kayang i-corelate and i-counter-check sa records ng mga mismong ahensiya like DBM, DA, DOTC and DAR kasama na ang COA? Sa dami ng pinangalanan na niya sa kanyang extended affidavit ( na may kasunod pa raw), sino pa sa tingin ninyo ang hindi niya napapangalanan na maaaring natatangi na lamang tao o institusyon na nagbibigay sa kanya ng proteksiyon ngayon?

Oo nga hindi tanga si Napoles, gaya nang sinabi ng kanyang abogado.

Read more...