Quarterfinals slot asinta ng SMB kontra Meralco


Laro Ngayon
(Xavier Gym)
5 p.m. San Miguel Beer vs Meralco

QUARTERFINALS berth ang susungkitin ng San Miguel Beer samantalang iwas sa pagkalaglag ang puntirya ng Meralco sa kanilang paghaharap sa PLDT Home Telpad PBA Governors’ Cup mamayang alas-5 ng hapon sa Xavier Gym sa Cagayan de Oro City.

Ang Beermen ay may 4-2 record samantalang ang Bolts ay nangungulelat at may iisang panalo sa anim na laro. Matapos na matalo sa Talk ‘N Text, (103-97), ang San Miguel Beer ay nakabawi nang maungusan nito ang Globalport, 102-99, noong Martes.

Sa larong iyon ay nakalamang ang Batang Pier ng 17 puntos subalit hindi napanatili hanggang sa dulo. Ang Beermen ay nakakuha ng double-digit production buhat kina June Mar Fajardo (26 puntos), Reggie Williams (23), Arwind Santos (18) at Solomon Mercado 10).

Higit na impresibo si Fajardo nang humugot ito ng career-high 27 rebounds. Ito ay kapos ng dalawa sa all-time record ng mga locals na 29 na pag-aari ni Marcelino Simbulan.

Hindi pa rin makapaglalaro para sa San Miguel Beer sina Marcio Lassiter, Chris Ross at Paolo Hubalde na pawang may kapansanan.

Pinatid ng Meralco ang four-game losing skid nito nang maungusan ng Bolts ang Alaska Milk, 88-87, noong Linggo. Subalit bumagsak ulit sila sa lupa nang sila’y tambakan ng Air21 Express, 80-67, noong Miyerkules.

Sa kabila nito’y naniniwala pa rin si Meralco coach Paul Ryan Gregorio na kaya nilang makabangon at makasingit sa quarterfinals.

Ang Bolts ay pinamumunuan ng import na si Mario West na sinusuportahan nina Gary David, Cliff Hodge, Mike Cortez, Reynell Hugnatan at Jared Dillinger.

Bukas ay sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna gaganapin ang mga laro. Maghaharap ang Barako Bull at Globalport sa ganap na alas-3 ng hapon. Ito’y susundan ng sagupaan ng Barangay Ginebra at Rain or Shine sa ganap na alas-5:15 ng hapon.

Samantala, nilampaso kagabi ng Talk ‘N Text Tropang Texters ang Globalport Batang Pier, 97-82, para manatiling nasa itaas ng team standings sa kartadang 5-1.

Si Paul Harris ay gumawa ng 37 puntos at 14 rebounds para pangunahan ang Tropang Texters.

( Photo credit to inquirer news service )

Read more...