SAN ANTONIO — Binalewala ng San Antonio Spurs ang matinding init kahapon para tambakan ang Miami Heat, 110-95, sa Game 1 ng NBA Finals.
Grabeng init ang sumalubong hindi lamang sa dalawang koponan kundi maging sa mga manonood matapos na magkaroon ng problema ang air conditioning system sa AT&T Center kahapon.
Ang sobrang init ay naging sanhi naman ng pagkakaroon ng cramps ni Miami Heat forward LeBron James sa huling mga minuto ng laro dahilan para ilabas siya sa laban at biglang makalayo ang San Antonio.
Nagtala si Tim Duncan ng 21 puntos at 10 rebounds habang si Manu Ginobili ay nag-ambag ng 16 puntos at 11 assists para sa San Antonio. Si Tony Parker ay nagdagdag ng 19 puntos at walong assists para sa Spurs, na tumira ng 59 porsiyento at umangat sa 6 for 6 sa opening game ng NBA Finals series.
Si James ay nagtapos na may 25 puntos subalit naglaro lamang siya ng 33 minuto at ang Miami ay na-outscore ng San Antonio, 36-17, sa ikaapat na yugto.
Umiskor si Dwyane Wade ng 19 puntos habang si Chris Bosh ay nag-ambag ng 18 puntos para sa Heat, na bumigay sa temperatura na umabot sa higit 32 degrees celsius sa second half.
“It was tough on both teams,” sabi ni Spurs coach Gregg Popovich. “They were pretty dead. We tried to get guys in and out. … It was really hot out there.”
Si James, na dumanas din ng cramps dalawang taon na ang nakalipas sa finals, ay kinailangan namang humingi ng pahinga sa ikaapat na yugto kung saan nakagawa ang Spurs ng 15-4 ratsada para maiwanan ang Heat sa laro.
Nagbalik naman si James at nakagawa ng basket para makadikit ang Heat sa dalawang puntos may apat na minuto ang nalalabi subalit tuluyan na rin siyang inilabas sa laro kung saan namalagi siya sa baseline bago binuhat patungo sa bench ng Miami.
( Photo credit to inquirer news service )