“TOTOO pala ‘yung sinasabi nila na grabe ang mga mata ni Ms. Nora Aunor!” Ito ang napatunayan ng Kapuso leading man na si Rocco Nacino nang makaeksena niya for the first time ang nag-iisang Superstar sa ginagawa nilang indie movie, ang “Hustisya” na isa sa mge official entry sa 2014 Cinemala Film Festival.
Inamin ni Rocco na talagang nanginig siya at inatake ng grabeng nerbiyos nang sumalang sila ni Ate Guy sa harap ng camera sa kanilang first shooting day with their director Joel Lamangan.
“Ngayon napatunayan ko na, totoo pala talaga ‘yung mga kuwento about Ms. Nora Aunor na mata pa lang…grabe! Alam mo ‘yun, pag tumingin siya sa iyo, talagang nagsasalita na siya.
Ang dami-dami mo nang mararamdaman na emosyon. “Kaya sabi ko nga, it’s really a dream come true, it’s such an honor. Imagine, halos nagsisimula pa lang ako sa industriyang ito, pero nakasama ko na sa isang proyekto ang nag-iisang Superstar!
That’s why thankful ako kay direk Joel dahil talagang inalagaan niya ang mga eksena namin ni Ms. Nora. Sobrang nagpapasalamat din siya kay Ate Guy dahil napaka-generous daw niya pagdating sa kanilang mga eksena, “Hinahayaan niya kasi ako sa atake ko sa role (isang lawyer).
May times na kinakausap niya ako, tapos sasabihin niya, kinakabahan din daw siya pero hindi niya pinapahalata, dapat daw ganu’n din ako.
Kasi nga, kitang-kita ‘yung nerbiyos ko, kaya sabi ko naman sa kanya, ‘Sige po, hindi na ako kakabahan.’” At doon na raw sila naging komportable sa isa’t isa, “Minsan nga, nagdyo-joke pa siya, imagine, madaling-araw na ‘yun, ha! Pero buhay na buhay pa rin siya kaya napakasarap katrabaho ng Superstar.”
Hindi nagpabaya si Rocco sa kanyang role sa nasabing indie movie, as in talagang nag-research siya at nag-immerse sa courtroom, “Nanood ako ng mga hearing, pinag-aralan ko ‘yung galaw, yung kilos at mannerisms ng mga abogado, pati yung judge, paano ‘yung diskarte nila.”
Ano ang advice sa kanya ni Ate Guy na hinding-hindi niya malilimutan, “Basta sa bawat project daw na ginagawa ko, dapat laging focused, okay lang daw kabahan pero dapat as you go along, mapalitan ‘yun ng confidence at tiwala sa sarili.”
( bandera.ph file photo )