KAYA mo bang itigil ang iyong adiksyon sa nikotina?
Oo naman. Kaya mo, magagawa mo at magtatagumpay ka!
Ang problema mo lang ay kapag tumigil ka sa pagyoyosi, nagiging irritable ka, napupuno ka ng pangamba at sumasakit ang ulo at madalas makaramdam ng pagkagutom.
Hindi dapat mag-alala dahil panandalian lang ito.
Iyan ang tinatawag na “withdrawal symptoms”.
Kailangan mo lang ng isang linggo para makaalis sa adiksyon sa nikotina. Madali lang gawin ito kaya nga marami ang tumitigil sa pagyoyosi ng ilang araw, linggo o buwan.
Subalit may totoong hamon, paano sosolusyunan nang pangmatagalan ang “craving” o yung nais na makahithit uli? At paano nga ba tuluyang matitigil ang paninigarilyo?
Kung nakadepende lang sa pang-sariling lakas at kakayahan, hindi mo matitigil ang iyong adiskyon.
Kinakailangan mong usisain ang iyong sarili, ang iyong kaisipan sa pamamagitan ng pagtingala sa mas mataas na kaisipan ng Poong Maykapal.
Ano ba ang kakulangan sa iyong pagkatao?
Anu-ano ba ang iyong hindi kanais-nais na mga karanasan sa buhay? Marami ka bang kinikimkim na sama ng loob?
Ikaw ba ay marunong magpatawad?
Alam mo rin naman na ang kapatawaran ay hindi mo maibibigay hangga’t hindi mo ito kinukuha sa pinanggalingan nito.
Kailangan natin humingi muna ng kapatawaran sa ating Diyos at kapag nakuha na natin ito, ibibigay natin ito, una sa ating sarili at sa lahat nang nakapaligid sa atin.
Sa paraang ito lamang mapupunuan ang mga kakulangan mo at ikaw ay mamumuhay ng mapayapa at walang stress at ikaw ay hindi na mangangailangan ng sigarilyo at nikotina para sa kasayahan at kapayapaan na hinahanap mo.
Ang pagiging makasarili at mapagmalaki ang sanhi ng hindi pagpapatawad. Ito rin ang sanhi kung bakit wala kang pakialam kahit na ang ibinubuga mong usok ng iyong hinihithit na sigarilyo ay nakakadamay ng ibang tao dahil sa ang second-hand smoke ay tunay na nakakalason at nakakasira sa kalusugan.
Mag-isip ka, kaibigan. Gusto mo bang tanggalin ang sigarilyo sa buhay mo o tanggalin ng sigarilyo ang buhay mo?
Abangan araw-araw maliban sa Miyerkules at Biyernes ang bago nating kolum na BARANGAY KALUSUGAN na siyang sasagot sa inyong mga tanong.
Ang inyong tanong ay maaaring ipadala sa pamamagitan ng text (09192909646), email at Facebook @radyomediko.