MARAMING Pinay na animo’y mga nakakawala sa kanilang mga hawla kapag nasa ibayong dagat na.
May mga dating konserbatibong manamit, nag-iiba ang bihis pagdating sa abroad. Yung iba hindi makapaniwala na may mga kababayan na nakikipagsabayan sa moda. Wala namang masama roon.
Yung iba lang ay nagtataka kung bakit maraming mga galing sa disenteng pamilya, na sa sandaling tumuntong sa ibang bansa, ay nagsusuot ng mahahalay na kasuotan.
Minsan may nakakuwnetuhan tayong OFW sa Hongkong. La-king pasalamat niya na nakaalis na siya sa poder ng asawang halos ituring siyang parang isang gamit lamang — na ipasusuot sa kaniya ang anumang naisin nito.
Ngayong nasa Hongkong siya, malayang-malaya na siyang isuot anumang gustuhin niya. Wala na anyang nagbabawal. Walang pinag-aawayan.
Ganyan din ang kuwento ng isang OFW sa Singapore. Nakakahinga na rin siya nang maluwag matapos makakawala sa napakahigpit na asawa. Dati, hindi raw siya makalabas ng bahay dahil palaging nakabantay ang mister. Bawal siyang makipag-usap sa kapitbahay, bawal bumili nang anumang gusto niyang bilhin.
Hanggang sa mabuksan ang oportunidad na makapagtrabaho sa abroad at nagkaroon na rin siya ng kalayaan na makabili nang naisin niya at anumang gusto niyang isuot.
Higit pang pinagpapasalamat niya na naiba na rin ang pagtrato sa kaniya. Mataas na rin ang pagtingin sa kaniya ng mga kababayan sa probinsiya, na dati ‘anya, balewala lamang siya doon, ngunit nang mag-abroad na siya, bawat uwi niya sa Pilipinas, ramdam niya, parang isa siyang bayaning tunay.
Ngunit madalas din namang naaabuso ang kalayaang ito ng mga kababaihan.
Kamakailan lamang isang OFW sa UAE ang nagreklamo ng panghahalay sa isang department store.
Una, hindi raw siya pinapasok sa mall dahil naka minis skirt siya. Kaya’t sinabihan siya ng guwardiya na papapasukin lamang siya sa mall pero kailangan niyang bumili ng mahabang palda. Nang makakita ng tindahan mabibilhan, binastos ‘anya siya ng lalaking nagsusukat doon dahil nga sa maikli ang kanyang damit.
Ganun din ang nangyari sa isa pang OFW na pinick-up na lamang ng mga kalalakihan dahil sa pagsusuot ng mahalay na pananamit. Inakala siyang pickup girl. Kahit anong palag niya at patuloy sa kasisigaw na matino siyang babae, hindi siya pinakinggan ng mga kalalakihang iyon at patuloy na binastos ang naturang Pinay.
Hinatulan siya dahil sa kaniyang kasuotan.
Kaya naman para sa ating mga kababaihan, nangungusap ang ating pananamit — kung minsan diyan tayo hinuhusgahan, lalo na sa ibang bansa. Naka-angkla ang pagkadisente ng isang babae sa uri ng kanyang pananamit.
Madalas kasi sinusunod ng tao kung ano ang gusto niya. Ngunit may mga panuntunan ang disenteng paggawi at disenteng pananamit.
Totoong may kalayaan ang bawat isa kung ano ang nais niyang gawin o piliin, ngunit palaging kaakibat nito ang pananagutan at maaaring magresulta pa nga sa kapahamakan, kung patuloy na gagawin ang anumang naisin ng tao.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM na may address na 2/F MRP Bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad St., Makati City, Lunes hanggang Biyernes, 10:30 am 12:00 noon, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0927.649.9870. Maaari kayong mag-email sa bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com