Barbie, Thea gaganap na kambal sa ‘The Half Sisters’ pero magkaiba ng tatay


NA-CURIOUS ang entertainment media sa tema ng bagong afternoon series ng GMA 7 na The Half Sisters na pinagbibidahan ng Kapuso tween stars na sina Barbie Forteza at Thea Tolentino.

Luma na ang konsepto ng “kambal-kambal” sa mga teleserye, pero kakaiba ang atake ng GMA sa The Half Sisters – pwede palang magbuntis ng kambal ang isang babae pero magkaiba ang tatay!?

Yes, ‘yan ang iikutan ng kuwento ng bagong GMA Afternoon Prime series nina Barbie at Thea na gaganap ngang kambal – iisa ang kanilang ina na gagampanan ni Jean Garcia – pero magkaiba ang ama.

Si Thea ang magiging anak ni Ryan Eigenmann ang totoong asawa ni Jean sa kuwento, habang si Jomari Yllana naman ang magiging tatay ni Barbie, ang ex-boyfriend ni Jean na gumahasa sa kanya.

Kuwento sa amin ni Barbie bago magsimula ang presscon ng The Half Sisters kahapon, “Twins kami ni Thea pero magkaiba nga po ng tatay, kahit kami, na-shock na meron pala talagang case na ganu’n, ang tawag po Heteropaternal Superfecundation.”

Ayon sa Wikipedia, ang Superfecundation, ay ang “fertilization of two or more ova from the same cycle by sperm from separate acts of sexual intercourse. Heteropaternal Superfecundation occurs when two different males father fraternal twins.”

“Kaya po galit na galit sa akin si Thea at si kuya Ryan (Eigenmann) sa amin ni Ms. Jean dahil alam nila na iba ang tatay ko, ” ani Barbie.

Sa trailer pa lang ng serye, kawawang-kawawa na si Barbie, talagang pinagtulungan siyang saktan nina Thea at Ryan. As in umaatikabong sabunutan, sapakan at sampalan ang mga eksena, kaya siguradong papatok na naman ito sa mga manonood. E, alam n’yo naman ang Pinoy TV viewers, di ba? Mas maraming sakitan, mas maraming awayan, mas nag-eenjoy sila! Ha-hahaha!

In fairness, bagay na bagay kina Thea at Barbie ang mga role nila sa serye, swak na swak ang kanilang mga personalidad sa kanilang mga karakter, lalo na si Thea na mukhang susunod nga sa mga yapak ni Jean Garcia na winner sa pagiging bida-kontrabida.

Unang nagsama sa remake ng Anna Karenina sina Barbie at Thea kaya gamay na raw nila ang isa’t isa, lalo na sa “madugong” mga eksena.

Kasama rin sa The Half Sisters sina Mel Martinez, JC Tiuseco, Carlo Gonzales, Derrick Monasterio at Andre Paras, with Carmen Soriano and Pinky Marquez, sa direksiyonn ni Mark Reyes at magsisimula na sa  June 9 sa GMA Afternoon Prime.

( Photo credit to EAS )

Read more...