LALO pang nagiging kontrobersyal ngayon ang kilalang boy band na One Direction, matapos magbigay ng pahayag ang Catholic Bishops Conference of the Philippines.
Nanawagan ang Simbahang Katolika sa mga magulang na huwag payagan ang mga anak na manood ng concert ng British boy band na One Direction o 1D.
“Do not lead them to a wrong direction…be discerning to where you are leading your children,” payo ni CBCP Commission on Youth Fr. Conegundo Garganta sa mga magulang matapos ang mga balita na mismong sila pa ang nagtitiyagang pumila para lamang maibili ng tiket ang mga anak sa concert ng grupo na nakatakda sa Marso 2015.
Idinagdag ni Gargantana bukod sa napakamahal ng tiket, hindi rin magandang ehemplo ang grupo para sa mga kabataan.
Ito’y matapos kumalat ang video na kung saan makikita ang dalawa sa mga miyembro nito ang gumagamit ng marijuana.
Nanawagan din ang pari sa pamahalaan na i-ban ang One Direction sa Pilipinas. Ayon sa pari kailangang “to protect the minds and senses of Filipinos from being poisoned.”
Nauna nang nanawagan ang isang grupo na isailalim ang mga miyembro ng One Direction sa drug test bago payagang makapagtanghal sa bansa.