DONAIRE: KAYA KONG PATULUGIN SI VETYEKA

MASUWERTE pa rin si Simpiwe Vetyeka at tinapos sa ikalimang round ang kanilang tagisan ni Nonito Donaire Jr. noong Sabado sa Macau, China.

Naideklara si Donaire bilang panalo sa pamamagitan ng technical decision nang ang tatlong hurado ay naggawad ng iisang 49-46 iskor para agawin ng dating kampeon sa flyweight, super flyweight, bantamweight at super bantamweight ang WBA featherweight belt ng South African boxer.

Masuwerte pa rin si Vetyeka dahil nakikita ni Donaire na kaya na niyang patulugin ito matapos tumumba sa pinakawalang kaliwang hook sa ikaapat na round.

“If it had to continue, I knew na wala na ‘yung legs niya, makikita mo sa katawan niya at sa mukha niya. I knew that proper timing, isang suntok lang,” wika ni Donaire nang hinarap ang mga mamamahayag sa pulong pambalitaan kahapon ng umaga na inorganisa ng ABS-CBN.

Bago sinimulan ang kaganapan ay pinanood muna ng lahat ang tape ng laban at masaya si Donaire sa kanyang naipakita.

“After watching the tape of the fight, I’m happy because I gave all I got. The work we put in the gym, nagawa ko,” dagdag ni Donaire.

Pero hindi siya magkukumpiyansa lalo na kung matuloy ang rematch nila ni Vetyeka na kanyang sinabi matapos ang laban.

Nakikita niya ang sarili na babalik siya ng ring sa bandang tatlong buwan mula ngayon para matiyak na tuluyang maghilom ang malaking putok sa kaliwang kilay dala ng headbutt ni Vetyeka sa unang round.

Inabot ng 11 tahi para maisara ang sugat at aminado si Donaire na ito na ang pinakamalaking sugat na inabot niya sa kanyang boxing career.

“When I decided to take control of the fight, nakuha ko siya agad. Alam ko na ang movements niya at ang reach niya. Of course, dangerous pa rin siya dahil matangkad pa rin siya. Pero alam ko na mas mabilis ako at alam ko na mas malakas ako sa kanya,” paliwanag pa ni Donaire.

Kasama sa pagpupulong ang ama at trainer niyang si Nonito Sr. at sinabi nito na sinisikap niyang ibalik ang dating hinahangaang bilis sa pagsuntok ng anak.

“Hindi pa ito ang best ni Jun Jun. Gusto ko sa kanya na makuha niya mula sa first hanggang 12 rounds. We’re  not looking at one-punch knockout,” ani ng 55-anyos na si Donaire.

Sa ngayon ay bakasyon-grande ang gantimpala ni Donaire sa sarili at pamilya dahil tumungo sila sa Boracay kahapon at magtatagal hanggang Linggo.

Balak din niyang magkakain ng mga pagkain na hindi nakain habang nagsasanay pero tiniyak niyang walang dapat ipag-alala dahil kontrolado niya ang timbang sa 126 pounds.

Read more...