Alalay sa pag-inom ng alak

DAPAT ay di pinatulan ng pulis na si PO3 Ariel Yala si Camille Ventura, 16 anyos, nang siya at kanyang mga kaibigan ay pinagtulungan ng grupo ng dalagita noong Linggo ng madaling araw.

Napatay ni Yala ng kanyang baril si Ventura at kasamahan nito na si Emerson Lopez, 20 anyos.

Napagkamalan ang grupo ni Yala, na nakasakay sa taxi, nina Ventura at sila’y sinugod at pinagsusuntok habang sina Yala ay nasa loob ng sasakyan.

May nakaaway kasi sina Ventura sa isang restoran at napagkamalan nila sina Yala na kanilang nakaaway.

Dapat ay nagpakilala muna si Yala na siya’y pulis bago siya gumawa ng marahas na hakbang.

Sa palagay ko ay lasing din ang pulis, gaya nina Ventura , dahil ang pinanggalingan ng dalawang grupo ay inuman.

Malaki ang pananagutan ni Yala dahil ang kanyang napatay na si Ventura ay menor de edad at babae pa man din.

At bakit nga pala nagdadala ng baril ang pulis sa inuman?
qqq
Sa mga magulang naman ni Camille Ventura, bakit ninyo pinayagan ang inyong anak na nasa labas pa sa dis-oras ng gabi at madaling araw.

Di ba alam ng mga magulang ni Camille na siya na kababaeng-tao nakikipag-inuman sa mga kalalakihan?

Ang dapat sisihin sa pagkapahamak ni Camille ay ang kanyang mga magulang dahil di siya sinupil ng mga ito.

Nangyari ang away na kinasangkutan ng 16-anyos na si Camille sa madaling araw ng Linggo.

Ibig sabihin ay nag-inuman si Camille at kanyang mga barkada noong Sabado ng gabi at umabot ng Linggo.

Napaaway ang barkada nina Camille sa isang grupo ng kabataan sa loob ng Harbor Square sa Malate, Manila.

Naawat sila ng mga bouncers at pinalabas, pero inabangan nila Camille ang kanilang nakaaway sa labas.

Sa halip na umuwi ay inabangan pa ang grupo na kanilang nakaaway.

Masama ang
naidudulot ng kalasingan lalo na sa mga kabataan.

Walang away ng kalasingan na nagaganap sa Davao City.

Pinagbabawal ni Mayor Rody Duterte ang mag-inuman hanggang alas-10 ng gabi.

Pagtuntong ng alas-10, kailangang magsara na ang mga restoran na nagsi-serve ng alak.

Ang curfew ay alas-10 ng gabi.

Ang mga establishments na nagsi-serve pa ng beer o ibang alak ay pinasasara.

Ang mga lasing na makulit at nag-iinsista na bigyan pa rin sila ng beer o ibang alak paglampas ng alas-10 ay kinukulong.

Walang away-lasing sa Davao City dahil sa curfew.

Ang mga lasenggo na gustong uminom hanggang madaling araw ay tumatawid ng bangka o barko papuntang Samal Island.

Walang curfew kasi sa Samal Island at puwedeng lumaklak hanggang madaling araw.

Ako’y manginginom din noon at hanggang ngayon.

Kaya’t puwede akong makapagbigay ng payo sa mga taong umiinom ng alak na gaya ko.

Maraming basag-ulo na naranasan ko noong kabataan ko na ngayon ay pinagsisisihan ko.

Dapat ay alalay lang ang pag-inom.

Kapag nararamdaman natin na tayo’y makulit na, dapat ay umuwi na tayo at matulog.

Marami pang araw naman na puwedeng uminom.

Di naman nauubos ang alak na lalaklakin.

Read more...