ISINANTABI ni Nonito Donaire Jr. ang maagang pagputok ng kaliwang eye lid dahil sa accidental headbutt para maibalik ang sarili sa pagiging isang world champion nang hiritan si South African boxer Simpiwe Vetyeka ng technical decision na panalo noong Sabado ng gabi sa Venetian Resort Hotel sa Macau, China.
Nagkauntugan ang ulo nina Donaire at Vetyeka ilang segundo bago natapos ang unang round para maputukan agad.
Ilang beses pang nakita na sadyang inuuntog ni Vetyeka ang sugat ni Donaire sa mga sumunod na rounds para lumaki ito pero hindi natinag si Donaire at sinandalan ang determinasyon at puso para maagaw ang WBA featherweight title.
Sa ikaapat na round lumabas ang tunay na laro ni Donaire at pinabagsak si Vetyeka gamit ang kanyang pamatay na suntok na left hook.
Nagawa pang bumangon at tapusin ang round ni Vetyeka pero kumbinsido ang mga hurado na sapat na ang suntok na ito para manalo si Donaire.
Nauwi sa scorecards ang desisyon sa laban dahil itinigil na ni referee Luis Pabon ang bakbakan isang segundo matapos ang pagsisimula ng fifth round at sina Raul Caiz Jr., Francisco Martinez at Levi Martinez ay mayroong iisang 49-46 iskor pabor kay Donaire.
Ito ang ika-33 panalo sa 35 laban ni Donaire na opisyal na ibinulsa ang kanyang ikaapat na world title sa magkakaibang dibisyon.
Nauna nang dinomina ng 31-anyos na si Donaire ang flyweight, bantamweight at super bantamweight divisions. Hinawakan din niya ang interim belt sa WBA super flyweight.