Grace, Garci, Gloria

ITO namang si Grace Poe, umeksena lang, palpak pa.  Nag-privilege speech sa electoral reforms, semplang pa.  Nakagagalit!  Ang sigaw ni Susan Roces noon.  Nakagagalit!  Ang sigaw ng Cebuano ngayon.  Sa di na mabilang at paulit-ulit na pahayag ng mga Cebuano, hindi sila mandaraya.  Muli, inulit ng mga Cebuano na hindi sila mandaraya.  Ito kasing si Grace Poe, na suwelduhan ngayon ng arawang obrero, ng taumbayan, ay inakusahan na naman (napakarami na ang nag-akusa, pero sablay ang ebidensiya, kaya ang Comelec, na hindi marunong magbilang pero bilang nang bilang) si Gloria Arroyo ng pandaraya dahil narinig niya ang nilalaman umano ng Garci tapes (teka, Grace, Garci, laro-letra?  Ano ang kulang?  Ano ang ipinagkaiba?  Ano ang tunog?  Kulang ng isa?  Sobra sa isa?  Susme naman, taktak-utak na naman iyan).
Muli, inuulit nang galit na galit na mga Cebuano, at inulit nang galit na galit na mga Cebuano, na kung totoo ang pag-uusap sa Hello Garci, hindi pa rin mananalo ang artistang Fernando Poe Jr., (na naman?) dahil maliit ang iginigiit ng mga tsuwariwap ng oposisyon noon na boto at bilang sa Maguindanao.  Nakadududang hindi binanggit ni Grace Poe ang bilang ng boto kay GMA na ibinigay ng lalawigan ng Cebu, at taos-pusong ibinigay sa kabila ng lahat ng walang basehang paninira ng mga kalaban sa Metro Manila.  Grace Poe, tatlong milyon boto ang ibinigay ng lalawigan ng Cebu kay Gloria, at hindi pa kasama riyan ang mga Cebuano, ang mga kamag-anak, na nasa lahat ng bayan at lalawigan ng bansa, lalo na sa Mindanao.  Mandaraya ba ang Cebuano?  Mandaraya ba si Gwendolyn Garcia?  Teka. Grace, Garci, Gloria, Garcia?  Susme naman, apat na “G” na iyan!  Kung sino man ang gumagago sa Cebu ngayon, hindi niya (o nila) alam ang nangyari noong 2004.  Sa Cebu, nakapagtataka (hindi nakagagalit) na nagsama ang oposisyon at administrasyon para ikampanya at iboto si GMA.  Kaya nanalo si GMA, at hindi si FPJ.  Malinaw?  Kung hindi pa rin malinaw sa iyo, Grace, bakit hindi mo tanungin ang bawat Cebuano sa Cebu ngayon kung bakit walang tunay at masidhing  kandidato ang tatay mo sa pagka-gobernador at sa pagka-alkalde ng napakaraming bayan at lungsod?  Ang manok ng tatay mo pagka-gobernador ay walang bise-gobernador at walang linya ng mga bokal lalawigan.  Paano mananalo ang tatay mo sa Cebu?  Grace, matatalino ang Cebuano.  Baka sila pa nga ang pinakamatalino sa bansa, at mas matatalino pa kesa nagmula sa Tarlac.  Baka.  At baka totoo na nga.  Hindi na natin palalawigin pa ang sinabi mo sa mga Cebuano noong 2013, nang nangangampanya ka.  Nakagagalit, ang sabi ng mga Cebuano.  Mas lalong nagalit ang mga Cebuano sa 60-30-10 sa Cebu.  Hindi sila kumbinsido.  Kung hindi ka kumbinsido sa 2004, mas lalong hindi kumbinsido ang Cebuano sa 2013.  Gets mo?
Pero, hindi kumbinsido ang arawang obrero, ang taumbayan, ang mga biktima ng Yolanda, ng low pressure area sa Mindanao at ng bagyong Agaton sa iyong eksena.  Nagtagumpay ang isa pang baboy sa Senado na kumbinsihin si GMA na magsori.  At nang mag-sori ay iniwan at ibinagsak ng baboy si GMA, hanggang sa nakisama sa napakarami, at nadaragdagan pang, mga baboy.  Duda, o kundi’y galit, ang arawang obrero, ang taumbayan sa pakay mo, Grace.  Isa-isa nang hinimay, at natunton, ang mga nagnakaw sa pera ng taumbayan, eeksena ka pa ng Hello Garci?  Ano ka ba?  Kasabwat ng tropang panlito?  Panligaw? Bakit ngayon lang, Grace?  Nakatatakot na kapag nagtagumpay ka, malilihis ang Napoles.  Gusto mo bang pagkaabalahan ng taumbayan ang Hello Garci kesa Napoles? Gusto mo bang iwanan muna ng mga magsasaka ang kanilang nakakamit na tagumpay para mapataas ang milling recovery ng butyl at asikasuhin ang nais mong Hello Garci? Gusto mo bang ihinto muna ang nakakamit na tagumpay ng mga magsasaka sa Mindanao para mabawasan ang postharvest losses bunsod ng basang palay at asikasuhin muna ang Hello Garci na binuhay mo at hindi ng Comelec?  Gusto mo bang mabawasan ang tone-toneladang milling capacity sa Barangay Calagdaan, Cantilan at Barangay Patong-Patong, Madrid, Surigao del Sur para lamang asikasuhin ng mga magsasaka ang Hello Garci mo?  Makukumbinsi mo ba ang Tupedo (Tuyake Pederoid Domoyog) Irrigators Association na unahin ang Hello Garci mo?
Nang ikaw’y inihalal ng taumbayan sa eleksyon na nakulapulan ng 60-30-10, bakit hindi mo agad inasikaso ang Hello Garci?  Bakit hinintay mo ang dalawang tulog na lang bago ka nagdadakdak ng Hello Garci?  Kung hindi mo pa “gets” ang 60-30-10, bakit hindi mo tanungin ang isang Cojuangco? Bakit nang ikaw’y magsimulang manungkulan ay hindi ka sumigaw ng hustisya para kay FPJ?  Kung totoo ngang dinaya ni GMA ang eleksyon, bakit hindi mo sinimulan ang iyong krusada at imbestigasyon sa Ilocos Norte?  Bakit hindi ka man lang nag-isip, o sumagi sa iyong isipan, na ang kandidatong mga artista ay hindi sumasali sa seryosong debate?
Ang sabi mo’y pinagnakawan ni GMA ang taumbayan? Hindi ba’t pinagnakawan din nina Napoles, mga senador at kongresista at mga miyembro ng Gabinete ang taumbayan?  Nasa paligid mo lang ang tunay na mga magnanakaw.

Read more...