SI Matteo Guidicelli pala ang lalaking makakabihag sa mailap na puso ni Maja Salvador at isipin mo bossing Ervin, ang tinatawag na “little boy” ng showbiz ay “big boy” pala pagdating sa pag-ibig?
Sa dinami-rami ng lalaking na-link kay Maja, ni isa sa kanila ay wala siyang inaming seryosong boyfriend niya, pawang close friends lang daw.
Kahit ang mga lalaking ito ay hindi rin maamin na girlfriend nila si Maja, di ba John Wayne Sace, Jason Abalos, Carlo Aquino at ‘yung isang male dancer sa ASAP?
Kaya sa ginanap na presscon ng pelikulang “My Cactus Heart” ay napahanga kami nina Matteo at Maja dahil sa kanilang pagiging totoo.
Inamin nila ang kanilang relasyon at ramdam naming hindi lang ‘yun para sa promo ng kanilang pelikula.
May hawig sa buhay ni Maja ang kuwento ng “My Cactus Heart” dahil nga mailap talaga siya pagdating sa pag-ibig kasi nga nasaktan na siya noon, pero nu’ng dumating sa buhay niya si Matteo ay naiba na ang pananaw niya.
At inamin ni Matteo na pinahirapan siya ni Maja sa panliligaw dahil tatlong taon din niyang sinuyo-suyo ang aktres, “Takot na kasi akong magmahal at takot na uling masaktan. Dumating na ako sa point na napagod na ako kaya kapag may nanligaw, ayaw ko muna,” katwiran ni Maja.
Pero nang dumating si Matteo, “Hindi siya nakakapagod magmahal. Alam ni Matteo kung gaano ko ipinaramdam sa kanya kung gaano ko siya kamahal,” dagdag pa ng aktres.
At ibinuking ng director nilang si Enrico Santos na sa kanilang kissing scene, si Matteo raw lagi ang nagre-request ng take two at gustung-gusto naman daw ‘yun ng aktres, “Laglagan na direk?” mabilis na sabi ng dalaga.
At nalaman din ng lahat na nasa Cebu pa lang daw si Matteo ay crush na niya si Maja kaya overwhelmed siya na girlfriend na niya ngayon ang aktres. Oo nga naman isipin mo, crush mo lang noon, heto’t dyowa mo na ngayon.
Guwapo at sexy si Matteo kaya naman kinilig daw si Maja ng una niyang makitang topless ang aktor sa ginanap na Cosmo Magazine event, at sa “My Cactus Heart” nga niya ito uling nakitang hubad at talagang napa-hmmm daw ang aktres, “May pagmamahal na akong naramdaman.”
Mapapanood na ang “My Cactus Heart” sa Enero 25 kasama sina Xian Lim, Bea So, Lemuel Pelayo mula sa direksyon ni Enrico Santos mula sa Star Cinema.