Paulo sa pagmamahalan nila ni Kc: Pinilit namin sa next level, pero……


SA GINANAP na pocket presscon ng Dreamscape Entertainment para sa dalawang bida ng bagong seryeng Sana Bukas Pa Ang Kahapon na sina Bea Alonzo at Paulo Avelino ay ipinakita ang ilang eksenang mapapanood sa pilot week na talagang ikinagulat ng lahat.

Sobrang sensual ng eksenang nakahubad si Paulo habang kaharap si Bea at  inaakit ang dalaga. Pinipilit kasi nitong ipatikim ang gawa niyang tsokolate hanggang sa isubo na niya ito kay Bea.

Hindi naman itinanggi ni Paulo na sinadya niyang akitin si Bea dahil ito raw ang hinihingi ng istorya. Ang pagkakalarawan ng mga bading sa nasabing eksena ay “organic” at “orgasmic” scene kaya naloka rin ang dalawang bida.

Sa tsokolateng Royce i-kinumpara ni Paulo si Bea dahil masarap at mamahalin daw, samantalang sa dark chocolate (uri) naman ikinumpara ng aktres ang aktor dahil matamis at may kaunting pait.

Inamin nina Paulo at Bea na dumaan sila sa sensuality workshop under direk Laurice Guillen para mawala ang ilangan factor.
Samantala, inamin ni Bea na sa edad niya ngayon ay, “Hindi na tayo puwedeng magpa-cute di ba, siyempre kailangan mo ng mature (role), pero mayroon ka pa ring responsibilidad at boundaries.”

Parang matagal na rin namang hindi nagpapa-cute si Bea sa mga proyekto niya, sa pelikula kasi niyang “The Mistress” ay matindi rin ang kissing scene niya kina Ronaldo Valdez at John Lloyd Cruz, ganu’n din kina  John Estrada at John Lloyd sa huling serye niyang A Beautiful Affair.

Kaya para sa amin ay hindi na bago ang papel ni Bea sa Sana Bukas Pa Ang Kahapon, maiiba lang siguro ito sa atake, at bilang dual role ang gagampanan niya sa serye.

Masyado nga raw intense ang eksenang inaakit siya ng aktor kaya, “Hinayaan ko ang sarili ko na mawala at ma-enjoy ‘yung moment na ‘yun. At bumalik lang nu’ng nag-cut na, ‘Oo nga pala, may boyfriend pala ako.’”

Samantala, honest girlfriend si Bea kay Zanjoe Marudo dahil lahat ng eksenang ginawa nila ni Paulo ay ikinuwento niya sa binata, “Hindi naman seloso ‘yun, very professional ‘yun, pareho kaming artista kaya alam namin ‘yung proseso.

At saka pag pinanood mong ganyan na sensual, during the time that we’re doing it cut to cut, kasi every shot, cut, so hindi ano (tuluy-tuloy) iba talaga ‘yung experiences na love scenes, iba pang ginagawa mo.

“Pero pag pinanood mo na, magugulat ka kasi ang tindi pala nu’n (eksena), kasi hindi ko mari-realize at saka ang daming tao. Kaya sana, tanggapin ng maganda (televiewers), tulad ng pagtanggap nila sa The Legal Wife na papalitan namin sa timeslot,” kuwento ng aktres.

“Nakakakaba talaga kasi nga ang daming nanonood ng The Legal Wife, ganu’n talaga na kailangan munang i-establish ng matagal lahat at kailangang mahalin ang lahat ng characters tulad ng ginawa sa Legal Wife na una nage-esablish muna, tapos heto na ‘yung plot, so lahat nagulat.

“Ganito rin ang mangyayari sa Sana Bukas Pa Ang Kahapon at siguro naging habit na rin na abangan ang same timeslot na very challenging din ang timeslot na ‘yan kasi last at medyo late na,” punto ng aktres.

Siniguro rin ni Bea na marami silang catfight ng isa sa mga kontrabida niya, si Maricar Reyes-Poon.

Speaking of Paulo, aminado siyang sobra ang paghanga niya kay Bea  at grabe ang pressure na nararamdaman niya dahil bukod sa napaka-sexy ngayon ng aktres ay napakagaling pang umarte.

“I really have to get back in shape para bagong Paulo na rin ang makikita ninyo kasi when I did MMK, Honesto, chubby-chubby pa ako so talagang nag-workout ako,” say ng aktor.

At dahil maganda ang lovelife at career ni Bea, tinanong ang binata kung kumusta na ang lovelife niya, “Single pa rin po,” seryosong saad ng aktor.

Ano na ang nangyari sa panliligaw niya kay KC Concepcion? “To be honest, we had something special, we’re special friends, pero alam n’yo ‘yun, we tried din naman to the next level, kaya lang siguro malaking (isyu) is ‘yung distance, so ngayon (wala),”  kuwento ng aktor.

( Photo credit to EAS )

Read more...