Marian sariling ipon ang ibinigay sa mga dabarkads ng Eat Bulaga


KAHIT noon pa man ay kilala na ang pagiging “cowgirl” ni Marian Rivera na tinatawag pa nga ng ilan na jologs dahil sa pagiging natural nito at kalog – “one of the boys” ang kanyang imahe.

Kaya naman sa pagsali niya bilang latest addition sa Dabarkads ng Eat Bulaga, sa portion ng Juan For All, All For Juan, hindi nakakapanibagong makita si Marian na pasok nang pasok sa mga makikipot na daan sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas, hindi nga ba’t nag-trending pa ang pagpasok niya sa isang bahay na mayroong nakatira na maysakit na “bulutong?”

“Kaya nga po mas pinili ko yung outside the studio para iba naman kumpara sa nakasanayan nang makita sa akin na laging nasa airconditioned room, maganda ang postura.

Pero hindi ko sinasabing hindi na ako nag-aayos, ha. Natural na maganda lang talaga tayo, gaya nitong bago kong ini-endorsong Hana hair products,” ang nakatawang sambit ni Marian noong ilunsad nga siya bilang endorser ng nasabing produkto.

Obvious ngang this year ay umarangkada ang karir ni Marian bilang product endorser at hindi nga kataka-takang dumami ang mga produkto at serbisyong ineendorso niya.

Kaya naman daw sa pagsali niya sa Eat Bulaga naisip niyang simulan ang isang advocacy para makatulong sa mahihirap nating kababayan, ito ang pagbibigay ng puhunan sa mga deserving na dabarkads na manggagaling mismo sa kanyang bulsa.

“Simpleng sharing lang talaga, pero sobrang laking bagay sa mga napagkakalooban,” dagdag pa ng Primetime Queen ng GMA.

Feeling blessed din si Dingdong Dantes dahil bukod sa happy lovelife niya with Marian, super successful din pala ang mga ventures niya including his businesses at yung mga programa niya na posibleng magdala sa kanya sa public service  soon.

Pero as an actor at bilang Primetime King ng GMA 7, masayang-masaya daw siya na finally ay may kakaiba na naman siyang proyekto kasama sina Maricel Soriano at Lovi Poe, ang drama series na Ang Dalawang Mrs. Real.

“Sobrang challenging dahil istorya ito ng isang responsable at matinong lalaki na nagpakasal sa dalawang babae. Pareho niyang minamahal at iniibig ang dalawa kaya’t exciting na sundan ang kuwento ni Anthony (Dingdong) sa soap,” paanyaya pa ng aktor.

Ano pa raw ba ang mahihiling niya sa puntong ito na halos lahat naman ay ibinibigay sa kanya kundi ang gawin din ang parte niya, “I need to level up. Ibang klaseng artista sina Maricel at Lovi, plus yung mga heavyweights like sina Tita Coney (Reyes), Tita Celeste (Legaspi), Tita Susan (Africa), sina Tito Jaime (Fabregas), Tito Robert (Arevalo) at Tito Tommy (Abuel), lahat – ibang klase ang commitment sa ikagaganda ng soap,” paliwanag pa ni Dingdong.

Although inamin sa amin ni direk Andoy Ranoy na parang na-inspire sila sa classic 80’s Danny Zialcita movie na “Langis At Tubig” (starring Vilma Santos and the late Dindo Fernando at Amy Austria) na tungkol din sa bigamy o pagpapakasal ng dalawang beses ng isang lalaki sa magkaibang babae, “This is more of a family drama na ang conflict ay mismong umiikot sa mga isyu nila sa pamilya,” sey nito.

Nang sabihin namin na inaasahan naming mapanood sa Ang Dalawang Mrs. Real ang mga legal battles and court scenes dahil kontrobersyal at masasabing uso talaga ang napili nilang tema na “bigamya”, at nag-agree si direk Andoy.

“True, talagang marami kaming kinunsultang legal experts at may research kami sa mga kasong katulad. Ang challenge nga lang siyempre ay kung paano namin itong maipapaliwanag at maipapakita sa bagong henerasyon ng mga manonood na dapat ay matuto rin sa aspetong ito ng buhay bago sila lumagay sa tahimik o maging gaya ni Anthony na nainlab sa dalawang babae at pinakasalan pa,” paliwanag ni direk.

Kaya nang balikan namin si Dingdong at batiin itong siya pala talaga ang bidang-bida sa soap dahil sa point of view niya iikot ang kuwentong pag-ibig at pamilya, natawa ito at nagsabing, “For sure, may subplots at iba pang anggulo na susulpot as the show progresses.”

Sa June 1 na ito magsisimula sa GMA 7 primetime. Ito ang papalit sa Rhodora X.

( Photo credit to marian rivera official fanpage )

Read more...