Magic ni Sarah, karisma ni Coco swak na swak sa ‘Maybe this Time’

SA nakaraang presscon ng “Maybe This Time” nina Coco Martin at Sarah Geronimo ay nag-usap-usap kami ng mga katoto na sabay-sabay manonood ng pelikula sa unang screening para personal naming makita kung magdadagsaan din sa ganu’ng kaagang oras ang mga fans.

Madalas kasi kaming nakatatanggap ng mga mensahe na “sobrang lakas at box office hit” ng isang movie para lang maibenta ito nang husto sa mga tao pero waley naman pala.

Naka-witness na kami ng pelikulang sinasabing sobrang lakas at pinipilahan sa ganitong sinehan, at nagkataong nandoon kami ng mga oras na iyon, peo wala namang tao.

Kaya sa “Maybe This Time” ay naka-tuwaan naming manood ng maaga na huli yata naming ginawa noong estudyante palang kami.

Hindi kami fan ni Sarah, pero halos lahat ng pelikula niya ay napanood namin at aminado kaming gustung-gusto namin ang mga pelikula nila ni John Lloyd Cruz dahil cute at aliw kami sa takbo ng istorya kaya naman parating box-office ang tambalan ng dalawa.

Hindi namin naumpisahan ang pelikula kahapon dahil late kami ng 10 minuto, inabutan namin ang eksenang nagkaka-developan na sina Sarah at Coco bilang sina Teptep at Tonio sa tabing dagat kung saan iginuhit pa ng aktres ang pangalan ng aktor.

At nang lumapit si Tonio ay binura ni Teptep kaya’t muling iginuhit ng aktor ang letrang TT na may puso sa gitna na ibig sabihin daw ay Tonio loves Teptep o Teptep loves Tonio.

Kinilig si Sarah bagay na hindi nakaligtas kay Tonio at simula noon ay parati na silang magkasama hanggang sa dumating ang pamilya ng aktres para makita siya at dito nakilala ng nanay niya ang binatang taga-baryo.

May usapan sina Tonio at Teptep na magkikita sa burol bago siya lumuwas ng Maynila at dito na pormal na sasagutin ng aktres ang aktor, pero hindi sumipot ang binata dahil lingid sa kaalaman ng dalaga ay kinausap siya ng nanay nito na anong klaseng buhay ang ibibigay sa anak.

Natakot si Tonio kaya lumayo siya at sumakay ng barko hanggang sa naging caregiver sa Italy kung saan siya pinamanahan ng amo ng P40 million at nakilala niya si Ruffa Gutierrez na kahihiwalay lang sa kanyang nobyo at dahil malungkot kaya naging sila.

Maganda ang role ni Ruffa bilang si Monica pero parang ang tanda naman niya bilang girlfriend ni Anton? Bagets kasing tingnan sina Coco at Sarah na feeling mga hayskul ang peg.

Pero naaliw kami sa mga eksena nina Ruffa at Coco lalo na kapag nagsasagutan sila tungkol sa kanilang tawagan bilang magdyowa.

Sa totoo lang, napakasimple ng istorya ng pelikula, pero ang galing nang pagkakaarte ni Coco na mata palang ay umaarte na at si Sarah ay alam naman nating magaling talaga sa drama at comedy lalo na sa pagbibitaw ng mga one-liner.

At in fairness, pasok na pasok ang suggestion ng katotong Ogie Diaz na, “minekaniko ang makina ni Monica” dahil ang ganda ng pagkakabitaw ni Sarah kaya tawanan ang lahat.

Hindi na namin ikukuwento ang buong istorya bossing Ervin, dahil ayaw naming i-preempt at in fairness, ilang beses kaming natawa at umiyak, yes, maraming eksenang nakakaiyak, lalo na sa mga seryosong eksena ni Sarah.

Heto pa, akala namin ay dalawa lang ang ibig sabihin ng MU – mutual understanding at mag-Un, hindi pala bossing Ervin, marami pa pala.

Ay pahabol, parang true to life kay Sarah ang role niya sa “Maybe This” lalo na nu’ng sinabi niyang, sobra siyang nasaktan dahil first love niya si Tonio na hindi natuloy ang relasyon nila dahil hinarang ng nanay niya.

Si Rayver Cruz (first love ni Sarah) kaya ang nasa isip ng dalaga ng mga oras na iyon kaya bigay na bigay ang acting niya habang sinasabi niya ang linyang iyon kay Coco? Ano po sa tingin mo Mommy Divine?

( bandera.ph file photo )

Read more...