LUMUTANG kamakailan ang mga sinasabing “mystery agents” na umano’y nagkamal ng P235-milyong komisyon at kickback sa pork barrel scam.
May R.R na nabanggit na nangumisyon at isang Armand Padilla na hindi rin malinaw ang pagkakakilanlan.
May nakausap ako na nagbigay ng lead sa kung sino ang dalawang ito.
Natatandaan ninyo pa ba ang pangalang Ruben Reyes?
Nagkataon lang ba na R.R. ang initials niya? Kung hindi ninyo matandaan agad-agad ang pangalan, hayaan ninyong ipaalala ko sa inyo.
Si Ruben Reyes ay minsan nang napangalanan sa isa sa mga umano’y kasama sa pagbuo ng maanomalyang NBN-ZTE deal na kung natuloy at nagkakahalaga ng $329 milyon?
Nadawit man, hindi ito naipatawag sa mga isinagawang hearing sa Senado.
Nadawit din ang pangalang Ruben Reyes sa umano’y dayaan noong 2004 elections.
Dawit din siya sa fertilizer fund scam pero di rin lumutang sa mga hearing sa Senado.
Ngayon, natatandaan ninyo na ba?
Ang period o panahon ng pagtanggap ng R.R. na umano’y nagkakahalaga ng P205 milyong batay sa digital records ni Benhur Luy ay taong 2008 — taon na namamayagpag pa rin sa mga transaksyon at mga proyekto bilang broker ng isang Ruben Reyes, nagkataon lang ba? Ngunit kung ang impluwensiya ng isang Ruben Reyes ang pag-uusapan, ayon sa aking source na nagsasabing si R.R. at siya ay iisa. Nagsimula noong 2001, unti-unti, lalo na noong nakapuwesto na ang mga miyembro ng Philippine Military Class of 1972 ay namayagpag itong si Ruben Reyes.
Si Ruben Reyes kasi ay adopted member ng PMA Class ‘72 na naging maimpluwensiya sa panahon ng administrasyong Arroyo.
Retired general ang source ko na nagsasabing si R.R. na nasa listahan ni Luy at si Ruben Reyes ay iisa.
To be fair with Class ‘72, sabi ng isa ko pang source na miyembro ng naturang klase, matagal na raw silang may falling out with Ruben Reyes. “Civil” na lang ang pakikitungo sa kanya ng klase, ayon sa isa pang dating heneral.
Hindi naman niya tinukoy ang dahilan ng falling out na ito. Pero hindi na raw siya magugulat kung ang R.R. na binabanggit ay si Ruben Reyes nga dahil sa ang mga ahensiyang binabanggit sa umano’y transaksiyon ay mga ahensiyang malakas umano at naging maimpluwensiya si Reyes. Ngayon—bahagi pa rin ng mga transaksiyong kuwestiyunable at maanomalya ng Napoles NGOs and companies, may isang Ruben Reyes din na isinasangkot doon at may isa pa na dating retired general na naging undersecretary, si Usec. Domingo Reyes na nagkataon din ba na member ng PMA Class ‘72?
Ang hirap namang i-connect ng dots. Ho-hum…
Namayagpag ang isang Ruben Reyes dahil sa koneksiyon nito sa militar at sa pulis — parang si Napoles lang.
Tapos halos lahat ng ahensiya ng pamahalaan, —halos lahat, lalo na sa Department of Transportation and Communications—may naisulong na kontrata at proyekto si Ruben Reyes bilang broker. Siya ba at R.R. ay iisa? Sabi rin ng source ko, hindi lang sa militar at pulis ang naging kuneksiyong matibay noon ni Ruben Reyes kundi sa paborito at pinakamamahal ding kapatid ng dating pangulo na si Diosdado “Buboy” Macapagal Jr. Yung sa pangalang Armand Padilla na umano’y may alokasyon na P98-million para sa proyekto naman sa DOTC—kung mag google kayo—napakaraming may ganung pangalan, ngunit ang isa sa kanila—naging konsehal ng Lungsod ng Makati.
May kasunod pa ito. Wait lang.