Telcos kampon din ni Napoles!

Kung P10 bilyon sa PDAF at P900 milyon naman sa Malampaya Fund ang kinurakot ni Napoles, ng mga mambabatas at Cabinet officials, ilang bilyong piso naman kaya ang kinukurakot ng mga ganid na telephone companies sa bawat mamamayan?

Kayong mga gumagamit ng Internet sa cellphone para mag-Facebook, Twitter o iba pang social media,  alam n’yo ba na masyadong pananaga ang ginagawa ng mga ganid na telcos sa atin dahil napakamahal ng kanilang sinisingil gayong ang kanilang serbisyo ang isa sa pinakamabagal sa Asya?

Ang internet speed sa Thailand ay 12-Mbps sa presyong  P1,100 bawat buwan. Sa Singapore, napakabilis na 15-Mbps ang internet speed at ang presyo ay P 1,312 bawat buwan. Pero dito sa Pilipinas, P1,000 bawat buwan ang binabayaran natin sa superbagal na internet na 3-Mbps. Ibig sabihin, dapat  ay nasa P270 hanggang P300 lang dapat ang sinisingil nila sa atin.  Pero overpriced sila ng P700.

Sa panahon ngayon, 53 porsyento ng 93 milyong populasyon ng Pilipinas ang meron landline connection ng internet sa kanilang mga bahay.  Isipin na lang ninyo kung ilang bilyun-bilyong pisong “overprice” kada buwan ang kinukurakot nitong mga telcos na ito sa atin kahit superbagal ang kanilang serbisyo.

Mahihiya itong pangungurakot ni  Napoles sa ganitong “internet highway robbery” ng mga telcos.

Siyempre, sinasabi ng telcos, kung gusto niyo ng mas mabilis na internet, magbayad kayo ng mas malaki. Sinasabi rin nila na deregulated daw kasi ang kanilang presyo at hindi pwedeng pakialaman ng gobyerno.  Hindi gaya ng tubig at kuryente. Open competition daw ito, pero di ba dalawang kumpanya na lang o DUOPOLY ang telecommunications  sa bansa?  SMART/SUN vs. GLOBE?

Bakit nangyayari ito? Inutil ba ang National Telecommunications Commission (NTC), ang ahensiya ng gobyerno na dapat ay tagapagtanggol ng bayan laban sa mga ganid na telcos.

O sadyang walang ngipin ang mga batas lalo pat ang ginagamit na parusa ng NTC sa ngayon ay ang 1939 Revised Penal Code lang?

Saan ka pa, hindi ba’t iniutos ng NTC ang P7-B na dapat i-refund ng mga telcos dahil sa overcharging ng text messages,  pero walang nangyari.

Hindi ba matuturing na “Cybercrime” ang ganitong overpricing ng superbagal na internet?  Pero,  kumustahin mo ang bagong batas na Anti-Cybercrime law (R.A. 10175), wala rito ang mga violations ng mga Internet providers.

Ang galing ng mga congressmen at mga senador natin, hindi nakikita ang proteksyon nating mga consumers. Dahil ba  mga boss nila ang mga telcos lalo na pagdating sa eleksyon? O sadyang protektado o untouchable ang mga malalaking negosyante tulad ng mga Ayala (Globe), MVP (Smart/Sun) ng mga pulitikong pulpol.

Sa aking palagay, dapat makulong din kasama nina  Napoles at ng kanyang mga kakuntsabang mga pulitiko ang mga masisiba at walang konsensyang mga negosyante sa mga telcos na nagbibigay ng overpriced at superbagal na serbisyo. Makakarma rin kayo!

Read more...