Kunwaring ni-rape, kinulong

MAHIGIT 10 taon na nang unang umalis sa bansa si Jerlyn patungong Dubai para magtrabaho bilang waitress.

Kararating pa lamang niya sa nasabing bansa nang dumalo siya sa welcome party para sa mga bagong pasok na magtatrabaho doon. May nakilala siyang kapwa Pilipino at kaagad na nagtiwala si Jerlyn. Nalasing anya siya ng gabing iyon.

Nang magising siya, nasa bahay na siya ng naturang Pinoy. Ginahasa raw siya. Nagawa pa niyang makatawag sa kaniyang mga kaanak sa Pilipinas para ipaalam ang sinapit niya sa kamay ng isang kababayan. Bukod sa panggagahasa, ikinulong din daw siya sa bahay ng lalaki.

Matapos pa ang ilang mga buwan, isang tawag muli ang natanggap mula kay Jerlyn. Umiiyak itong ibinalita na 7 buwan na siyang buntis at nakakulong pa rin sa bahay ng lalaki. Sa gitna nang tawag sa mga kaanak sa Pilipinas ay nakarinig sila ng mga kalabog at sigaw ni Jerlyn at naputol na ang linya ng telepono. Iyon na ang huling tawag ni Jerlyn.

Nang makuha ng Bantay OCW ang sumbong na ito, kaagad naman kaming nakipag-ugnayan sa Konsulado ng Pilipinas sa Dubai. Mabilis namang tumugon si Consul General Frank Cimafranca at hindi nga siya makapaniwalang kidnap victim si Jerlyn dahil napakahabang mga taon na ang nakalipas, at saka lamang ‘anya naghahanap ang kaniyang pamilya. Wala ring record sa Dubai police nang ganoong kaso. Gayunpaman, nangako pa rin siyang patuloy na magpapa-imbestiga.

Nang mabasa ng agency ni Jerlyn ang unang artikulo na lumabas sa Philippine Daily Inquirer (sister publication ng Bandera) kaagad itong nagpadala ng email sa Bantay OCW. Ibinigay nila ang petsa na lumabas na ng Kuwait si Jerlyn at nagtungo ‘anya sa Thailand.

Nakipag-ugnayan naman kami sa Philippine embassy sa Thailand at inasikaso naman ni Consul Jay Alcantara ang reklamong ito.

Matapos ang dalawang araw, kausap na namin si Consul Alcantara on-the-air sa Radyo Inquirer at positibo nitong tinukoy na pumasok nga sa Thailand si Jerlyn ayon sa record ng Thai immigration.

Nang marinig ito, maliwanag lamang na wala na sa Dubai ang taong hinahanap namin. Muli kaming nakiusap kay Alcantara kung maaari naman naming alamin kung naroroon pa o nakalabas na ng Thailand si Jerlyn.

Muling nakipag-ugnayan sa Thai Immigration si Alcantara at nakiusap siyang medyo matatagalang makuha ang record dahil iyon ‘anya ang transition years (2006-2008) ng Thai Immigration at airport authorities nang magbukas ang kanilang bagong airport na Suvarnabhumi mula sa dating airport na Dopn Muang.

Kasabay nito, habang naghihintay nang kasagutan mula sa Thai immigration, nagpadala na rin ng komunikasyon si Alcantara sa iba pang mga embahada o konsulado ng Pilipinas sa ASEAN kung nagpa-renew ng pasaporte itong si Jerlyn.

Ngunit hindi rin nagtagal, muli naming nakausap si Consul Alcantara at ibinalita niyang nakauwi na ng Pilipinas si Jerlyn.

Sinadya ‘anya nitong magtago na lamang sa mga kamag-anak at hindi na ito nagpasabi na nakauwi na siya.

Ang lalaking unang isinumbong ni Jerlyn na dumukot sa kaniya, gumahasa at nagkulong sa kaniya sa Dubai ng maraming mga taon, ay siya na rin niyang napangasawa. Tatlo na ‘anya ang anak nila at tahimik nang nabubuhay sa Pilipinas.

Maraming salamat kay Consul Alcantara ng Thailand. Sa pamamagitan ng balitang iyan, isinasara na ng Bantay OCW ang kasong ito. Maraming sa- lamat ng mga nakipagtulungan sa kasong ito.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM, Lunes hanggang Biyernes, 10:30 hanggang 12 ng tanghali. Maari rin magtungo sa 2/F MRP Bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad St., Makati City.. audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0927.649.9870 E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...