Speaking of Julia Barretto, in fairness, masasabi na nating sikat na nga ang anak nina Marjorie Barretto at Dennis Padilla dahil ayaw na siyang tigilan ng bashers. Talagang pinag-aaksayahan na siya ng panahon ngayon ng mga tao.
Pero, natutunan na raw ng dalaga na tanggapin na ganito talaga ang showbiz, hindi kumpleto kung walang intriga. Kaya dedma na lang daw ang bagets sa mga panlalait sa kanya sa social media dahil kay Daniel.
Aniya, kung ito ang kapalit ng tagumpay ng kauna-unahan niyang teleserye, ito ngang MiraBella na napapanood pa rin sa Primetime Bida, bago mag-TV Patrol, e, hindi na siya magrereklamo.
Hindi natatanggal sa top 5 most watched TV show ang kanilang teleserye sa ratings game kaya naman mas lalo raw silang ginaganahang magtrabaho ng leading man niya sa programa na si Enrique Gil.
Samantala, ang pagiging masayahin sa kabila ng matitinding mga pagsubok ang sikretong nais ibahagi ni Julia Barretto sa lahat ng TV viewers na tumatangkilik sa MiraBella.
“Dapat maging positibo lang po tayo lagi, anumang problema ang idulot sa atin ng ibang tao. Kapag mas nagpo-focus po kasi tayo sa mga magaganda at mabubuting bagay na nangyayari sa buhay natin, mas lumalabas po ang tunay na kagandahan,” ani Julia na gumaganap sa serye bilang si Mira at ang mahiwagang katauhang si Bella.
Mas magiging kapana-panabik ang mga susunod na tagpo sa Mirabella ngayong magsisimula nang bumangon si Mira sa pamamagitan ng katauhan ni Bella. Tuluyan na bang kakalabanin ni Mira ang kanyang tatay na si Alfred (James Blanco) at kapatid na si Iris (Mika dela Cruz)? Paano niya itatago kay Jeremy (Enrique) na siya at si Bella ay iisa? Huwag palampasin ang fantaseryeng babago sa kahulugan ng tunay na kagandahan, Mirabella gabi-gabi sa Primetime Bida.