Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
5:45 p.m. Meralco vs. Talk ‘N Text
8 p.m. San Mig Coffee vs. Barako Bull
SISIMULAN ng San Mig Coffee ang pagtugis sa huling diyamante ng Triple Crown sa sagupaan nila ng Barako Bull sa PBA Governors Cup mamayang alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Sa unang laro sa ganap na alas-5:45 ay babawi naman ang Talk ‘N Text sa kasawiang sinapit sa nakaraang conference sa pagtutunggali nila ng Meralco.
Hangad ng Mixers na maidepensa ang korona upang makumpleto ang Grand Slam. Napanalunan ng Mixers ang kampeonato ng nakaraang Philippine Cup at Commissioner’s Cup.
Kinuhang muli ng San Mig Coffee si Marqus Blakely bilang import. Makakatapat niya si Eric Wise na isang second generation player. Siya ay anak ni dating PBA import Francois Wise.
Sa kanyang unang laro noong Linggo, si Wise ay nagtala ng 33 puntos upang tulungan ang Energy na maungusan ang Meralco Bolts, 95-94. Si Wise ay tinulungan ng mga rookies na sina Jeric Fortuna na gumawa ng 13 puntos at Carlo Lastimosa na umiskor ng 10.
Ang Energy ay hawak ngayon ni head coach Bethune “Siot” Tanquingcen na humalili kay Bong Ramos. Minabuti ni San Mig coach Tim Cone na kanselahin ang victory party nila bilang selebrasyon sa tagumpay sa nakaraang conference upang mapagtuunan nang husto ang misyon na pagkumpleto ng Grand Slam.
Si Cone ay patuloy na sasandig kina Marc Pingris, Peter June Simon, Marc Barroca, Joe DeVance at two-time Most Valuable Player James Yap na naparangalan bilang MVP ng Commissioner’s Cup finas.
Ang Talk ‘N Text, na natalo sa San Mig Coffee sa nakaraang Finals, ay pangugunahan ng import na si Othyus Jeffers. Makakatapat niya si Terrence Williams na nais na makabawi sa malamyang 19 puntos na naitala niya kontra sa Barako Bull.
Makakatulong ni Jeffers sina Jimmy Alapag, Jayson Castro, KellyWilliams, Ranidel de Ocampo at Larry Fonacier. Makakaduwelo nila sina Gary David, Cliff Hodge, Reynell Hugnatan, Jared Dillinger at Danilo Ildefonso.
( Photo credit to inquirer news service )