MARAMI na rin tayong mga mag-asawang OFW na umaalis ng bansa. Kadalasang katwiran, tutal maghihiwalay naman daw sila pansamantala bakit hindi na lang pareho silang magtrabaho sa kahit sa magkaibang bansa pa, para kapwa sila kumita naman.
Tumawag sa Bantay OCW si Ricardo mula sa Saudi Arabia upang ihingi ng tulong ang kalagayan ng asawang si Margie na ibinenta ‘anya ng kaniyang agency sa Kuwait.
Kinuha ng employer nito ang kaniyang pa-saporte at ilang mahahalagang mga dokumento, samantalang kinuha naman ng ahensiya ang kaniyang mobile phone. Sumbong pa ni Ricardo, huling impormasyon na natanggap niya, ikinukulong na ang asawa sa accommodation ng agency nito sa Kuwait.
Mayo 12, 2014 pa na-tapos ang dalawang taong kontrata ni misis at ayaw itong pauwiin ng kaniyang employer kung kaya’t ibinenta siya sa ibang ahensiya roon.
Hindi pa raw niya nakakausap ang misis. Berde Manpower International Services ang agency ni Margie sa Pilipinas. Agad namang ipinagbigay alam ng Bantay OCW sa tanggapan ni Secretary Rosalinda Baldoz ng DOLE ang kasong ito at mabilis namang kumilos si Labor Attache David Des Dicang upang masaklolohan si Margie sa Kuwait.
Ipinadala naman ni Lydia Bueno, managing editor ng Remate ang reklamo ni Lilia San Jose ng Guyong, Sta. Maria, Bulacan hinggil sa kalagayan ng asawang si Alberto, nagtatrabaho bilang heavy equipment mechanic sa Medco Co. General Trading sa Safat, Kuwait.
Marami ring mga kapwa Pinoy ang nakararanas ng kawalang-sahod mula sa kanilang employer, gayong patuloy naman ‘anya silang pinagtatrabaho roon.
Hangad lamang ni Lilia na matanggap na ng asawa ang suweldo nito sa nakalipas na mga buwan upang maihabol pa sa enrollment ang anak na nasa 3rd year college na ngayong pasukan.
Kung hindi naman ‘anya, pahabol pa ni Lilia, mabuti pang pauwiin na lamang si Alberto sa Pilipinas at dito na lamang sila magtutulong na mag-asawa na maitaguyod ang kanilang pamilya nang magkakasama. Nakikipag-ugnayan na rin si Labor Attache Dicang sa ating Philippine Embassy sa Kuwait upang kaagad masolusyunan ang kasong ito.
Tumakas mula sa kaniyang employer si Divine Grace Garcia ayon sa text message na natanggap ng Bantay OCW mula sa kaniyang anak.
Wala ‘anya silang komunikasyon sa kanilang nanay dahil kinuha ng employer ang mga electronic gadgets ng ina. Huling alam nila may iniinda itong bukol sa puwerta kung kaya’t hiniling sa kaniyang employer na makauwi na lamang.
Hindi ‘anya pumayag ang kaniyang amo kung kaya’t napilitang tumakas na lamang ang ina. Golden Eagle Services ang ahensiyang nagpaalis kay Divine. Hindi rin alam ng mga anak nito kung nasaang emirati siya sa UAE.
Apat na taon na sa Kuwait si Rutchell Corpuz ayon sa hipag nitong si Fe at ayaw ‘anyang pauwiin ng kaniyang employer. Inaalam na ni Labor Attache Dicang ang reklamong ito at nakikipag-ugnayan na sa Kuwait upang makauwi sa lalong madaling panahon ang ating OFW.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM mula Lunes – Biyernes, 10:30 am 12:00 noon. Maaari kayong magtungo sa tanggapan ng Radyo Inquirer sa 2/F MRP Bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad St., Makati City. Mapapanood din kami thru live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq. O kaya ay tumawag sa 0927.649.9870. Pwede rin kayong mag-email sa amin sa bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
