WALANG mapapala ang arawang obrero, ang taumbayan, kay Janet Lim Napoles (JLN). Alam na ng taumbayan na magnanakaw ang mga senador, kongresista, atbp. Alam na ng taumbayan na naghahari na ang kasakiman sa Bureau of Internal Revenue para makakolek ng mas bilyones pa na buwis, na sa di kalaunan ay nanakawin lang pala ng mga politiko, na ang kakapal ng mukha na pasumpa-sumpa pa na para sa taumbayan ang kanilang ginagawa. Kung tutuusin ay may katinuan pa sa buhay ni Nardong Putik. Nagnanakaw siya para ibigay sa mahihirap at may sakit. May katinuan pa si Lino Bocalan, na inakusahan ng kanyang mga kalaban sa politiko na “smuggler,” pero namumudmod ng bayung-bayong na pera sa mahihirap at sinasagot ang pagpapa-ospital ng abang mga mangingisda sa Tanza, Cavite. Kung tutuusin ay makinang na katotohanan ang ipinakita ni Robin Hood, dangan nga lamang at di ito sa Pilipinas nating mahal.
Sa nakalipas na sanlinggo, naumay at naimpatso ang taumbayan sa 24 oras na ibinabalita hinggil sa listahan nina JLN, Panfilo Lacson, Sandra Cam, atbp. Sa Malacanang, dalawang listahan lang ang dumating at nagtanong agad ang pinakamakapangyarihang tinig ng, “Ano ba talaga ate?” Ha?! Ate na pala niya. At mam Jenny naman ni Mar Roxas. Susme! Sa kasaysayan ng bansa, ngayon lamang iwinawagayway ang listahan ng mga magnanakaw. Ang magnanakaw, na agad ay hinuhusgahang taksil sa bayan, ay pinapatay ni Emilio Aguinaldo, ang lolo raw ni Emilio Abaya ng Department of Transportation and Communication. Hoy, Abaya, paano naman ang nakawan sa ahensiya mo? Grrr.
Sa nakalipas na sanlinggo, JLN nang JLN ang Palasyong mabaho sanhi ng burak na ilog na may lumulutang na kasuka-suka, ang Senado na teritoryo ng mga magnanakaw at tamad na pinasusuweldo ng taumbayan, ang Kamara na nakalulunos pagmasdan na hindi na kikilos ang mga kongresista kung walang nakakabit na pera, ayon sa kaapu-apuhan ni Amang Rodriguez sa Binangonan at Montalban. Sa punto ng mapagsamantala at manlilito, kulang ang sanlinggong JLN. Kailangan ay isang taon ito o dalawang taon. Dahil ang isyung JLN ay pang-SONA (state of the nation address sa Hulyo) at pang-eleksyon sa 2016, ang hangalan na pinakahihintay at pinaghahandaan ng basahang mga politiko dahil hahalal na naman ang taumbayan ng susunod na presidente. Hindi maisusubo para kainin at maging laman ng tiyan at itapon at buhusan ng tubig kinabukasan ang isyung JLN.
Ang isyung JLN ay di makalulutas sa problema ng blackout at pagrarasyon ng tubig sa Metro Manila noong Biyernes. Mas lalong hindi solusyon ang isyung JLN sa paghinto ng malalaking planta ng kuryente at pagkaubos ng tubig sa pangunahing mga dam na bumubuhay sa Metro Manila at mga sakahan sa Pampanga, Bulacan at Nueva Ecija. Ang isyung JLN, kailanman, ay di makapipigil sa sinasabing “emergency shutdown” ng malalaking planta na gumagawa ng daan-daang megawatts para lamang umandar ang electric fans ng taumbayan, na panlaban sa nakamamatay sa init. Ang isyung JLN ay hindi makatutulong sa Maynilad Water Services, Inc., na iantala ang pagputol ng serbisyo sa kabahayan ng mahihirap, ng arawang obrero.
Ang isyu ng JLN, na nakapagtatakang labis na pinagkakaabalahan ngayon ng dating pulis, at pugante, na si Panfilo Lacson, ay hindi makatutulong para mas mapabilis pa ang rehabilitasyon ng mga binagyo ni Yolanda. Ayon sa mga biktima sa Samar, Leyte at Cebu, dalawang oras lang ang pananalasa ni Yolanda pero anim na buwan na ang kanilang paghihintay ay puro pangako pa rin ang pulis na si Lacson. Siyenga pala, naging senador din ang Kabitenyo pero walang kakabit na sipag sa kanyang tungkulin ngayon, na ipinagmalaki pa ng kanyang amo, ang Ikalawang Aquino na anak nina Ninoy at Cory, nang hirangin ito. Santambak na papuri ang sumalubong kay Lacson nang tawagin itong rehabilitation czar, na kesyo busilak ito dahil hindi ito magnanakaw, kailanman. Pero, pinabayaan niya ang taumbayan, na ang apelyido ay hindi Aquino, pero ilan sa kanila ay Romualdez. Nagturo si Lacson nang di niya magampanan ang tungkulin. Teka. Kapag ang pulis ay hindi nagampanan ang kanyang tungkulin, alam na alam mo Lacson ang mangyayari sa kanya at kung saan siya pupulutin.
Ang isyung JLN ay di makapipigil para magtaas ng matrikula ang pribadong mga paaralan. Kung tutuusin, itinapon ng Department of Education ang isyung JLN para lamang aprubahan ang kahilingan ng 1,299 pribadong mga paaralan na magtaas ng matrikula sa pagbubukas ng klase sa Hunyo. May 1,477 pribadong mga paaralan pa nga ang nag-apply na bigyan sila ng karapatan na itaas ang matrikula, pero 1,299 ang pinayagan. Gayunpaman, libu-libong paaralan pa rin ang binasbasan ng legal na pagtatatas ng matrikula.
Ang isyung JLN ay di rin nakatulong para sa maagang pagpapatalsik, na hinihingi nga ng nakararami, kay Zenaida Ducut, hepe ng walang silbing Energy Regulatory Commission. Base sa ulat, mas malapit sa kusina ni JLN si Ducut dahil ito’y binansagan na ahente mismo ng nakaratay sa Ospital ng Makati. Naging ahente umano ni JLN si Ducut para mangalap ng pork barrel funds ng magnanakaw na mga senador at kongresista. Hindi na natutulog ang Palasyo sa kadidikdik sa isyung JLN, pero dedma at walang pangil ito na mapatalsik si Ducut, na nagpalala sa kalagayan ng enerhiya.
Ngayon, mas malinaw pa sa bukal. JLN muna bago ang taumbayan.
Kalimutan muna si JLN
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...