Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
3 p.m. Barako Bull vs Meralco
5 p.m. San Miguel Beer vs Alaska Milk
ANG San Miguel Beer (dating Petron Blaze) na natalo sa finals ng torneong ito noong nakaraang season, at ang Alaska Milk, na nabigong maidepensa ang korona sa nakaraang Commissioner’s Cup, ay magsasalpukan sa main game ng opening twinbill ng 2014 PBA Governors’ Cup mamayang alas-5:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Sa unang laro sa ganap na alas-3 ng hapon ay magkikita naman ang Meralco Bolts at Barako Bull Energy Cola.
Ang apat na koponang ito ay pawang kumuha ng mga bagong imports.
Ang San Miguel Beer, na natalo sa San Mig Coffee sa finals, 4-3, ay pamumunuan ni Reggie Williams na naglaro para sa Houston Rockets kontra Indiana Pacers sa NBA preseason game sa Maynila noong isang taon.
Si Williams, isang kaliwete, ay nakapaglaro rin para sa Golden State Warriors, Charlotte Bobcats at Oklahoma City Thunder sa NBA.
Makakatapat niya si Bill Walker na kamakailan ay pinagmulta ni PBA Commissioner Chito Salud ng P20,000 bunga ng pagkakasangkot sa kaguluhan kontra Danilo Ildefonso at Gary David sa isang preseason game ng Alaska Milk kontra Meralco.
Ang Alaska Milk ay nabigong idepensa ang korona ng nakaraang Commissioner’s Cup nang matalo sa San Mig Coffee sa quarterfinals.
Si Williams ay susuportahan nina June Mar Fajardo, Arwind Santos, Marcio Lassiter, Chris Lutz at Chris Ross.
Makakatapat nila sina Joaquim Thoss, Cyrus Baguio, JVee Casio, Calvin Abueva at Dondon Hontiveros.
Kinuha ng Meralco si Terrence Williams na napabalitang gumawa ng sampung 3-point shots sa isang tune-up game kamakailan.
Pinapirma naman ng Barako Bull ang second-generation player na si Eric Wise na anak ni Francois Wise na naglaro sa Utex at Yco sa mga unang taon ng PBA.
Tatlo sa sampung koponang kalahok sa season-ending tournament ang kumuha ng mga datihang import.
Ang defending champion San Mig Coffee ay sasandig ulit kay Marqus Blakely. Pinabalik ng Rain or Shine si Arizona Reid samantalang kinuha ng Globalport si Leroy Hickerson na dating naglaro para sa Air21 at Barako Bull.
Ang iba pang mga baguhang imports ay sina Allen Durham ng Air21, Zaccheus Mason ng Barangay Ginebra San Miguel at Othyus Jeffers ng Talk ‘N Text.