Cignal wagi sa Systema sa PSL All-Pinoy opener

Mga Laro sa Miyerkules
(Cuneta Astrodome)
2 p.m. PLDT vs Petron (women’s)
4 p.m. Air Asia vs Cignal (women’s)
6 p.m. Instituto Estatico Manila vs Via Mare (men’s)

NAGPASIKLAB ang hinirang sa NCAA bilang kanilang Best Attacker na si Gilbert Ablan para tulungan ang Cignal HD Spikers sa 25-14, 25-17, 17-25, 23-25, 15-13, panalo sa Systema Active Smashers sa unang laro sa 2014 PLDT Home DSL-Philippine Super Liga (PSL) All-Filipino Conference sa Cuneta Astrodome sa Pasay City kahapon.

Tumapos si Ablan taglay ang 28 puntos at 25 rito ay ginawa sa kills para ibigay sa HD Spikers ang unang panalo sa limang koponang kasali sa men’s division sa ligang inorganisa ng Score at handog ng PLDT Home DSL.

Nakita ang husay nang tulungan ang San Beda College sa pangatlong puwesto na pagtatapos sa 2013 NCAA volleyball, pinatunayan ng 21-anyos na si Ablan na kaya niyang maglaro sa semi-professional level tulad ng PSL na may ayuda pa ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical matapos ang matinding laro.

Sa puntong nalalagay sa alanganin ang Cignal sa fifth set ay naroroon si Ablan na nagpakawala ng dalawang matitinding kills upang maisantabi ang pagdikit ng Systema sa 13-12.

“He carried us in the fifth set,” wika ni Cignal coach Michael Carino. “Nagkaroon sila ng kumpiyansa dahil nakuha ang first two sets kaya bumaba sa third at fourth set. Mabuti na lamang at bumalik ang laro.”

Sumuporta kay Ablan sina Howard Mojica at Jay Dela Cruz sa kanilang 16 at 13 puntos.

Namuno para sa Systema si John Depante sa kanyang 18 puntos na lahat ay mula sa pag-atake pero kinapos pa rin ang koponan tungo sa paglasap ng unang pagkatalo ng koponang pumangalawa sa PSL Grand Prix.

Read more...