Babaeng kadete inasunto sa hazing

SINAMPAHAN ng kasong hazing ang isang babaeng kadete ng Philippine Merchant Marine Academy (PMMA) dahil sa umano’y pananakit sa isang nakababatang estudyante na sumasailalim sa training sa paaralan sa San Narciso, Zambales.
Ipinagharap si Cdt. 2nd Class Maria Theresa Cabrera, 19, ng kasong paglabag sa Republic Act 8049 o Anti-Hazing Law sa Provincial Prosecutors Office sa bayan ng Iba, ayon sa ulat ng Central Luzon regional police.
Isinampa ang kaso base sa reklamo ng estudyante ring si “Princess” (di tunay na pangalan) at ina nito laban kay Cabrera sa San Narciso Police noong Mayo 13.
Sinabi sa pulisya ni Princess, isang 4th Class student ng marine engineering, na sinaktan siya ni Cabrera habang nagsasanay bilang probationary midshipwoman sa loob ng PMMA mula Mayo 1 hanggang 7.
Dahil sa pananakit ay nagtamo si Princess ng mga pasa’t sugat at na-confine sa Villaflor Hospital ng Dagupan City, Pangasinan, ayon sa pulisya.

Read more...