Dahil sa sobrang kadaldalan ni Gng. Genelyn Magsaysay na paiba-iba naman ang kanyang mga sinasabi, baka sa dulo ng kasong dinidinig ngayon sa husgado tungkol sa pagkapaslang sa kanyang anak ay siya pa mismo ang magdiin sa iba pa niyang mga anak, hindi malayong mangyari ‘yun.
Masyadong generous sa pagbibigay ng interbyu si Aling Genelyn, kahit yata pigilan siya ng kanyang mga abogado sa pagsasalita ay walang magawa ang mga ito, yakyak pa rin nang yakyak ang babae kahit saan.
Ang masakit lang ay hindi niya natatandaan ang mga nauna niyang sinabi, kaya kapag nagsalita uli siya ay nagiging inconsistent ang kanyang mga pahayag, nagkakabuhol-buhol tuloy ang kanyang mga detalye.
Tulad na lang nu’ng sabihin niya na kinuha ng mga pulis ang mga personal na kagamitan ni Ramgen nang maganap ang krimen, ‘yun ang kanyang dahilan, para hindi mabukulan ang kanyang mga anak sa bintang ng kampo ni Janelle Manahan na ang mga ito mismo ang nag-upload ng sex video nina Ramgen at Janelle, pero kinabukasan lang ay iba na naman ang sinasabi ni Aling Genelyn.
Nasa kanila raw pala ang laptop ni Ramgen, pero hindi pa rin sila ang dapat pagbintangang naglabas ng sex video, dahil hindi nila alam ang password ng namayapang binata.
Nakakaloka na ang mga nagaganap, kung ano-ano na ang naglalabasang kuwento, nakapanghihilakbot ang mga istoryang naglalabasan dahil meron palang ganu’ng klase ng magkakadugo?
Pero kung sinuman ang sira-ulong naglabas ng kopya ng naturang video ay pumalpak ito, nabigo ang taong ‘yun sa hangaring paduwagin si Janelle Manahan, lalo pang tumapang ngayon ang dalaga dahil sa ginagawang pambababoy sa kanya ng mga taong walang magawang maganda sa buhay.
Ito ang kuwentong puwede talaga nating lapatan ng linyang abangan ang susunod na kabanata dahil ang dami-daming nangyayari na hindi natin inaasahan.