Claudine hinukay ang sariling libingan


Loko! Mistulang naghukay ng sarili niyang libingan si Claudine Barretto sa ginawa niyang muling pambubulabog sa kanyang mga kapatid na sina Gretchen at Marjorie.

Lugar na tahimik na sana ang kanyang mga kapatid ay heto, naglutangan uli sina Marjorie at Gretchen para sagutin ang mga akusasyon ni Claudine laban sa kanilang dalawa, nagbigay talaga ng panahon ang mag-utol para kontrahin ang mga komento ng bunso nilang kapatid.

Kung pakong de-uno lang ang pinukpok sa dingding ni Claudine ay kongkretong pako naman ang ibinalik sa kanya ni Gretchen at ni Marjorie, tinawag siyang baliw ni Gretchen at mapaghalusinasyon naman ang upak sa kanya ni Marjorie, nagrarambol-rambol na ang magkakapatid ngayon.

Sa isip nina Gretchen at Marjorie ay mahirap nang palampasin na lang basta ang mga akusasyon sa kanila ni Claudine, ang paulit-ulit daw kasing pagsisinungaling ay pinaniniwalaan na, kapag madalas nating naririnig nang walang kumokontra mula sa kabilang panig.

Sila na naman ang sentro ng pagpipista ngayon, bakit nga hindi ay magkakadugo sila at isang sinapupunan lang ang kanilang pinagmulan, pero sila-sila pa ang nagkakagatan ngayon?

Kung sana’y hindi na lang uli ginalit ni Claudine ang kanyang mga kapatid, kung sana’y hindi na lang naghalungkat ng kung ano-anong kuwento si Claudine laban sa kanyang mga ate, di sana’y papalamig na ngayon ang kontrobersiya tungkol sa kanilang magkakapatid?

Dumadami ang mga kakampi ni Raymart Santiago, kapag ganyan na mismong mga kadugo na niya ang nagsasabing baliw siya, natural lang na hihina ang laban ni Claudine sa asuntuhan sa pagitan nila ngayon ng nakahiwalay niyang mister.

Napakagulo. Nakakalungkot.

( Photo credit to claudine barretto official fanpage )

Read more...