1930 hanggang 2012

ANG kapangyarihan ng pera ay unang ginamit noong 1930.

Walang sablay at napaka-epektibo agad.

Lahat ay sumunod at kung may sumuway man ay iilan lang ito at matutupad din ang nais ng lider, o ng liderato.

Ang mabigyan ng pera, o mabigyan ng pagkakaperahan ay sumusunod sa kumpas ng pinakamataas, mula alkalde hanggang gobernador (sa kanilang nasasakupan), hanggang sa pinuno ng bansa, na ibig niyang sumunod sa kanyang nais ang mga alkalde’t gobernador.

Noong panahon ni Marcos, nang mapilitan siyang papasukin ang “oposisyon” (iilan lang sila) sa Batasan, ang pera’t biyaya ay madali pa ring dumaloy sa nakasahod na mga kaalyado.

Hindi rin nagbago ang kalakaran sa panahon ng Unang Aquino, dahil nanagana ang mga oligarkong kaibigan at sumusumpang (biglang) naging kaibigan ni Ninoy, na tila ketonging nilayuan nang ipahuli sa ilalim ng batas-militar.

Sa panahon ng Ikalawang Aquino, di maitago ang mga namantikaan, lalo na nang madaliin ang impeachment kay Chief Justice Renato Corona, kesehudang di makapag-aral ang mga scholar sa Zambales dahil kalaban ang kinatawan dito.

Simula ’10, yun lang

ANO ba yan?  Slogan lang ng turismo para ibenta ang bansa sa mga dayuhan (di pa sa buong mundo, dahil wala namang malaking programa ang pawindang-windang na Department of Tourism para sa global marketing campaign), pumapalpak pa.

Pinakamahirap talaga ang walang orihinal na ideya at ang depensa ay bukam-bibig naman ang ikalawang slogan.

Sa kasaysayan ng kagawaran ng turismo, ngayon lang nagkadapa-dapa, slogan pa lang.

Noong panahon ni Jose D. Aspiras, ang kampanya ng turismo ay di nakasalalay sa slogan dahil ang kampanya ay ibinase sa pangkalahatang kaayusan at katahimikan ng bansa, sa malakas nitong ekonomiya, sa mababang presyo ng mga five-star hotel, at higit sa lahat, ang tao-tao o personal na pag-alaga sa turista, na ikinatuwa ng mga Hapon.

Ayon kay Floro Mercene, ang slogan ay hindi dinadagsa, kundi ang tanawin ng bansa.

Sa panahon nina Richard Gordon at Ace Durano, tinanggap ng Britanya ang masigabong kampanya ng turismo, dumami ang Intsik at Koreano, at nagbalik ang pulu-pulutong na mga Kano at Canadian.

Ngayon, halos araw-araw ay may nahoholdap na mga Koreano’t dayuhan sa mismong mga sentro ng bansa.  At di pa naman nakalilimutan ang malagim na sinapit ng mga turista mula sa Hong Kong, na di pa rin nabibigyan ng hustisya (all-out justice?).

Read more...