MATAPOS ang maraming taon nang mapait na karanasang sinapit sa pangingibang-bayan, isang masayang Beatriz ang muling nagpakita sa Bantay OCW.
Taong 2007 nang magsumbong kanyang ina sa aming programa upang ireklamo ang ginagawa kay Beatriz nang kaniyang mag-amang employer sa Saudi Arabia. Panakaw pa itong nakagamit nang telepono upang ipagbigay alam sa kaniyang pamilya ang takot at hirap na dinadanas niya sa tuwing ginagahasa siya ng kaniyang mga employer.
Pagkaalis ng among lalaki, ang anak naman nito ang sasalisi sa kanya.
Tinatakot siyang huwag magsusumbong kahit kanino dahil papatayin ‘anya siya ng mag-ama.
Walang nagawa si Beatriz kundi ang maging sunud-sunuran lamang.
Nang makarating sa Bantay OCW ang sumbong ng kaniyang ina, wala na kaming inaksayang panahon.
Madaling ipinaayos ang rescue operation para kay Beatriz.
Kaya naman nang pinagharap na sila ng kaniyang employer, takot ang nanaig pa rin kay Beatriz, at hindi na niya nagawang ipagtapat ang tunay na nangyari sa kaniya.
Sakatunayan, itinanggi pa niya ang sumbong ng ina. Pero iginiit niya na nais lang niyang makauwi na ng Pilipinas.
Walang nagawa maging ang mga opisyal ng ating embahada dahil todo tanggi nga si Beatriz.
Pero kung hindi anya siya pinagsamantalahan, walang dahilan para bumalik ng Pilipinas si Beatriz, katwiran naman ng kanyang among babae.
Kung ipipilit ng OFW na makauwi, katwiran ng babae, kailangan magabayad ito ng P100,000 para kabayaran sa lahat ng mga nagastos niya sa pagkuha kay Beatriz pati na rin ang binayaran nito sa ahensiya.
Wala na ring magawa ang Bantay OCW noon dahil lumabas tuloy na walang nagrereklamo.
Ngunit nagmakaawa ang ina ni Beatriz at umamin naman ‘anya ang anak na nagawa na lamang niyang magsinungaling sa harap ng amo para lang mapauwi siya ng mga ito.
Matapos marinig iyon, nakiusap ang Bantay OCW sa ahensiya na padalhan na rin nila ng plane ticket ang ating kabayan dahil takot na takot lamang itong magsumbong at nang hindi na rin siya pagbayarin ng mga ginastos pa sa kaniya.
Positibo namang tumugon ang agency at pinadalhan nga si Beatriz ng ticket. Isinaayos na rin ng embahada ng Pilipinas ang mga dokumentong kakailanganin niya kung kaya’t hindi rin natagalan at nakabalik ng bansa si Beatriz. Yun nga lang ang mga nambaboy sa kanya ay hindi naparusahan.
Nang magtungo ito sa programa namin ay panay ang hingi nito ng tawad dahil sa di pagsasabi ng totoo. Kung itutuloy lang daw niya ang kaso, maaaring ipapatay siya, hindi nang mag-amang nanghalay sa kanya, kundi ng amo niyang babae na galit na galit na sa kaniya at ramdam pa nga raw niya ang matinding pagseselos nito sa kaniya.
Si Beatriz nagpatalo noon upang manalo. Ito na lamang ang kaniyang naisip upang makalabas ng buhay sa Saudi.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM Address: 2/F MRP Bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad St., Makati City Lunes – Biyernes, 10:30 am 12:00 noon, audio/video live streaming:
www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0927.649.9870. E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com