Kapag hindi ka nakatitiyak kung ano ang iniisip ng isang tao, tingnan mo ang kanyang ginagawa. —kawikaan ginagamit ni Cardinal Bernardin
Sino ang sinusundan natin na bukod-tanging nakaaalam ng daan? —pagninilay-nilay sa Ebanghelyo sa ikatlong linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
NOON, si Panfilo Lacson ang pag-asa ng mga biktima ni Yolanda, pagkatapos siyang hirangin ng Ikalawang Aquino, ang anak nina Ninoy at Cory, bilang rehabilitation czar. Napakabait ng media kay Lacson, ang sinabi ng korte na hindi dawit sa salvage ng mga kasapi ng Kuratong Baleleng at kidnap murder kina Salvador “Bubby” Dacer at Emmanuel Corbito. Papuri kaliwa’t kanan ang kanyang tinanggap. Isang Intsik na kilala ng matatanda ang puri nang puri kay Lacson, na nakapagtataka at palaisipan kung bakit tinatawag na Pinky ng ilang sektor ng lipunan, pati na ang ilang retiradong opisyal at kawal ng PC (Philippine Constabulary). Dinalaw ni Lacson ang mga bayan at lalawigan na kanyang dapat ibangon mula sa pagkakalugmok ng bagyo. Mahihirap na nga ang mga residente sa mga bayan at lalawigan sa Eastern Visayas ay inilugmok pa lalo ng bagyo. Ang mahihirap, na mas lalong inilugmok ng bagyo, ay nagkaroon ng pag-asa sa katauhan ni Lacson. Pero, mismong siya ay hindi pala makakilos sa dahilang siya lamang ang nakaaalam at nang tanungin ang mga biktima ay dalawa ang kanilang isinagot: akala naming ay magaling siya… at wala rin palang magagawa tulad ng amo niya…
Ang mga biktima ni Yolanda at di mga biktima ni Yolanda ay isa lang ang kinakain tatlong beses hanggang limang beses araw-araw, noong nananagana pa sila sa payak na pamumuhay. Ang mga biktima ni Yolanda at di mga biktima ni Yolanda ay di na nananagana sa buhay ngayon. Ang arawang obrero, ang taumbayan, ay di na nananagana ngayon bunsod ng napakataas na presyo ng bigas at ang hinirang na secretary (kalihim) ng food security ay dili iba’t si Francis Pangilinan, ang noon ay “pakalat-kalat” lang sa University of the Philippines, hanggang sa “ampunin” ng brodkaster at tuluyang nagbago ang kanyang buhay, anang mamamahayag. Pero, kung ano man ang kaganapan at nakalipas sa brodkaster at kay Pangilinan ay walang pakialam ang nagugutom na mga boss ni Aquino. Ang pangunahin at mahalaga ay siya ang tinitingala at pag-asa ng mga nagugutom sa problema ng food security.
Maaga, at napakaaga pa, para husgahan ang kakayahan ni Pangilinan, kung meron man, nga. Pero, isang araw pagkatapos hirangin ni Aquino, kapuna-puna ang sablay na sagot ni Pangilinan hinggil dambuhalang suliranin ng coco-lisap ng mga magniniyog. Ang sabi ni Pangilinan ay kailangan daw rebisahin ang “efforts” na nagawa ni Proceso Alcala hinggil sa pananalasa ng kulisap sa Rizal, Laguna, Batangas at Cavite. Hindi nagulat ang agriculture reporters sa sagot ni Pangilinan. Ang tunay na magsasaka ay hindi mapaglalalangan sa kulisap at mas lalong hindi siya mayasa kung rerebisahin pa ang “efforts” ng gobyerno sa dambuhalang problema.
Oo nga naman. Ang problema ng magsasaka ay pagkain, niyog, at mas lalo ang bigas. Pero, hindi ito ang problema ng mga politiko (sa katulad ni Pangilinan, ipagno-novena na siya kay San Isidro Labrador ng mga magsasaka na sana’y siya na ang hulog ng langit para sila’y makaahon sa labis na kahirapan). Hindi rin problema ng Malacanang ang bigas dahil mapuputi, masarap at mabango ang kanin dito, di tulad ng kanin na amoy kilikili na kinakain ng masang naghihirap dahil sa labis na korapsyon.
Babay na si Juico at papasok na si Maliksi sa PCSO? Sana’y unahin ang suliranin sa bigas.
Makikisawsaw ang Senado sa Malampaya scam, tulad ng napakaraming scam na pinanghimasukan ng Senado pero wala ring nangyari? Sana’y unahin nila ang napakamahal na bigas (bakit ayaw panghimasukan ng magnanakaw na mga senador ang malaking problema sa bigas, dahil ba hindi nila problema kung saan kukunin ang susunod na isasaing?). Sana (hoy, Lito Lapid, hindi ka na ba kumakain ng kanin?).
Hindi raw talo ang Palasyo sa pagkapanalo ni Gloria Arroyo sa kasong katiwalian sa fertilizer scam. Susme naman. Walang alam ang arawang obrero sa nagaganap sa bawat bista ng katiwalian laban kay Arroyo dahil mas uunahin nilang huwag malipasan ng gutom. Bigas muna, bago bista ni Gloria.
Pag-uusapan daw ngayon ng mga senador at kakalapin nila ang kanilang pasya hinggil sa Janet Napolis list. Teka. Ang alam ng mahihirap ay nagnakaw ang mga kongresista’t senador sa kaban ng bayan, sa pera ng mahihirap. Bakit inililigaw ang isyu? Ang pinagnakawan ng mga kongresista’t senador ay ang masang di na makabili ng bigas para sa tao at nagtitiyaga na lang sa bigas na para sa baboy, ang butil na amoy kilikili.
Inihahanda na raw sa Crame ang selda nina Tanda, Pogi at Seksi. Hoy Alan Purisima. Ang mga pulis mo nga ay nangongotong na para lamang makabili ng bigas ng tao.
Tsk, tsk, tsk. Malinaw na hindi uunahin nina Pangilinan, kanyang amo, mga politiko at komunista ang bigas.
Tsk, tsk, task.