PITONG bilyong piso raw ang dapat i-refund ng Smart, Globe at Sun sa mga mamamayang nabiktima nila ng overcharging (piso sa halip na 80 sentimos bawat text) mula noong December 2011, ayon sa utos ng National Telecommunications Commission (NTC).
Pero, walang dapat ikatuwa rito.
Apat na taon nang tinulugan ng NTC ang isyu at ang kanilang order ay malulunod naman ngayon sa mga korte. Katunayan, aapela raw sa Court of Appeals ang tatlong kumpanya upang kwestyunin ang order ni NTC commissioner Edgardo Cabarrios.
Sana, noon pang 2012 ito dinesisyunan ng NTC para kahit papaano ay napaaga sana ang paglilitis at meron na ring hatol ngayon ang CA at maging ng Korte Suprema.
Pero, hindi nga ito nangyari dahil nagbasketbol sila sa NTC, pinatagal ang desisyon at naglabas ngayon ng hugas-kamay na desisyon.
I-refund daw ang P7-B na overcharge sa mga consumers na hindi naman sinabi kung paano gagawin.Bababa kaya ang buwanang singil sa mga post paid subscribers? Magiging mas mura kaya ang mga prepaid simcards at mga ibinebentang prepaid loads?
Sa totoo lang, mas gumulo ang sitwasyon sa desisyon ng NTC kung kaya naman, panibagong dribolan sa Court of Appeals sa susunod na dekada at pagkatapos ay ilan pa ring dekada sa Korte Suprema. Naalala niyo ba ang Hacienda Luisita na hanggang ngayon (40 years na ang kaso) ay wala pa ring nangyayari?
Siyempre, igigiit ng mga telco na “deregulated” ang text messaging tulad ng kuryente, tubig, gasolina at toll fees. Bukod pa riyan, kakampihan sila ng ilang kontrolado nilang mahistrado, at presto! Meron nang permanent injunction, na ibig sabihin, inutil ang desisyon ng NTC.
Kaya, huwag na tayong umasa sa mga press release nitong NTC at gobyerno natin sa text refund. Maliwanag na pambobola lang iyan. Ang yayaman diyan ay ang mga corrupt na mahistrado, huwes, mga impluwensyal na law offices at mga abogado de campanillas.
Siyempre, hindi mangyayari iyan kung hindi patatahimikin ang mga binoto nating senador, congressman at cabinet secretaries ngayon at sa mga susunod na administrasyon, kasama na ang media.
Lahat yan, siguradong mauulingan sa napakalaking palayok ng pawis at dugo ng text messages na ang kwenta ay P7-B. Interes pa lang nito taun taon ay aabot sa P700-M na ipapamudmod lang ng mga telco bilang mga campaign contributions, junket o mga regalong cash o bahay at lupa.
Ang dapat sanang ginawa ng NTC ay inatasan ang mga telco na i-deposito ang pondo para magkaroon ang gobyerno ng sariling telecommunications at broadband network na nagbibigay ng mura at magandang serbisyo sa mga taumbayan.
Gamitin ang perang ito para maisulong ang dating National Broadband Network (NBN) nang walang tongpats sa ZTE o alinman. Kaya po gahaman ang mga telco ay wala silang kalaban at hindi sila totoong naglalabanan sa negosyo. Mafia sila. Pare-pareho silang mga tulisan na pinagsasamantalahan ang ultimong pera ng mamamayan. Pasensya na GLOBE, SMART at SUN, pero sobra na, tama na.
vvv
Para sa komento o tanong, i-text ang PIKON, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.
Ganid na telcos, dapat isumpa!
READ NEXT
Seguridad sa bigas
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...