NAGULAT ang lahat sa biglaang pagbibitiw ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chair Margarita Juico.
Bagamat ayaw aminin, marami ang naniniwala na si Interior Secretary Mar Roxas ang dahilan ng kanyang pagbibitiw.
Malapit sa pamilya Aquino si Ginang Juico, lalu na sa yumaong dating Pangulong Cory, kaya ganoon na lang ang pagkabigla nang lahat nang hayaan na lang ni PNoy na basta-basta magbitiw ang BFF ng ina.
Isa lang ang ipinakikita rito: Na kahit pa sabihin na ganoon kalakas si Juico sa ina ni PNoy, mas matimbang at nanaig pa rin ang impluwensiya ni Roxas.
Kahit walang umamin ng lantaran, halata namang may kaugnayan ang pagbibitiw ni Juico sa dalawang buwang suspension na ipinataw ng pamunuan ng Wack Wack Golf ang Country Club laban kay Roxas.
Ang asawa ni Ginang Juico na si Philip Ella Juico ay ang pangulo ng nasabing golf club, at siya ring nag-apruba sa pagsuspinde kay Roxas bilang miyembro nito dahil sa pangit na asal na ipinakita nito sa mga maliliit na empleyado ng nasabing club.
Kung tutuusin napakaiksi lang ng dalawang buwang suspension na ipinataw kay Roxas.
Ang hindi raw kasi talagang matanggap ni Roxas ay ang ginawang pagkumpirma ng pamunuan ng golf club na minura niya at sinigawan ang mga empleyado ng Wack Wack.
Kayo na ang makakapagsabi kung gaano ngayon kaimpluwensiya si Roxas sa administrasyon ni Aquino.
Sa parte ni Ginang Juico, ang relasyon pa rin sa mga Aquino ang nangibabaw sa kanya.
Dahil gusto pa ring ireserba ang relasyon sa mga Aquino, mapagpakumbabang itinanggi ni Juico na walang kinalaman si Roxas sa kanyang pagbibitiw. Personal daw ang kanyang desisyon dahil gusto niyang maglaan ng mas mahabang oras para sa pamilya.
Ang ginawang ito ni Juico ay isang patunay kung gaano niya pinahahalagahan ang relasyon niya sa pamilya Aquino. Kaya nga isinaalang-alang pa rin niya ang kapakanan ng anak ng dati niyang pinagsilbihan.
At para naman kay Roxas: Ikaw na naman?!
Gaya nang sinabi natin nitong mga nakalipas na Linggo, tanging si Roxas lang ang gumagawa ng aksyon na ikasisira niya, at wala nang iba.
At bakit naman kaya hindi masibak-sibak ni PNoy si Agriculture Secretary Proceso Alcala?
Kung talagang may tiwala pa si Aquino kay Alcala bakit kailangan pa niyang italaga si dating Senador Francis Pangilinan bilang bagong opisyal sa DA.
Nagtayo pa ng bagong posisyon na Presidential Assistant for Food Security and Agriculture Modernization para lamang maitalaga si Pangilinan.
Marami tuloy ang nagtatanong kung ano ba ang meron kay Alcala at hindi matanggal-tanggal sa puwesto kahit pa naidadawit ang pangalan niya sa kabi-kabilang iskandalo.
Umasa na lang tayo na may maitutulong si Pangilinan sa DA lalu na sa isyu ng bigas matapos ilagay sa ilalim ng kanyang pamumuno ang National Food Authority (NFA).