Willie nagbabawas na ng timbang, malapit nang bumalik sa TV


Napakarami nang nag-aabang sa pagbabalik-telebisyon ni Willie Revillame. Nakakapagod nang sumagot sa mga tanong ng ating mga kababayan kahit saan kami magpunta, isa lang kasi ang kanilang inuusisa, kailan ba talaga babalik sa TV ang kanilang Kuya Wil?

Pitong buwan na ngayong wala sa himpapawid si Willie, Oktubre nu’ng nakaraang taon nang magpaalam siya, kaya ang pinakahihintay na ngayon ng kanyang mga tagahanga-tagasuporta ay ang kanyang pagbabalik.

May mga senyales na kaming nararamdaman tungkol sa pagbabalik ni Willie Revillame, abalang-abala na kasi siya ngayon sa pagdyi-gym, kinakarir na niya ang pag-eehersisyo na ilang panahon din niyang hindi ginawa dahil sa pagiging abala sa kanyang mga negosyo.

May mga staff na rin siyang lihim na nagsasaya, pero mahahalata mo pa rin naman, dahil kilalang-kilala mo na ang mga taong nakakasama ng aktor-TV host sa kanyang mga nakaraang programa.

May pakiramdam kami na ilang buwan na lang at babalik na uli si Willie sa telebisyon, maririnig na uli natin ang mga litanyang, “Bigyan ng jacket ‘yan! Bigyan ng cellphone ‘yan!”

Kahit sa iba-ibang bansa kung saan matagal nang nagtatrabaho-naninirahan ang ating mga kababayan ay hinahanap-hanap na rin si Willie, kahit ang mga kaibigan nami’y nakikiusap sa kanyang pagbabalik, para raw hindi na nila pinoproblema ang pagkalungkot ng kanilang mga magulang.

Mas maraming tagahangang senior citizens si Willie, siya ang itinuturing na gamot ng mga nalulumbay na matatanda, malakas ang panghila niya sa mga kababayan nating may edad na.

Kaya ang kanilang pakiusap, sana raw ay makabalik na agad sa telebisyon ang kanilang idolo, miss na miss na raw nila si Willie.

( bandera.ph file photo )

Read more...