PINADAPA ng Miami Heat ang Brooklyn Nets habang ang San Antonio Spurs ay dinomina ang Portland Trail Blazers sa laro mula umpisa hanggang huli para kunin ang 2-0 bentahe sa kani-kanilang NBA second-round playoff series kahapon.
Si LeBron James ay umiskor ng 22 puntos habang si Chris Bosh ay nagdagdag ng 18 puntos para sa Heat na tinambakan ang Nets, 94-82, habang ang mga manlalaro ng San Antonio ay nagtulung-tulong sa opensa para itala ang 114-97 pagwawagi laban sa Portland.
Napantayan ng Miami ang franchise record matapos makubra ang ikawalong sunod na panalo sa playoffs kung saan si Dwyane Wade ay nag-ambag ng 14 puntos at si Ray Allen ay gumawa ng 13 puntos.
Si Mirza Teletovic ay nagtala ng Nets playoff record na anim na 3-pointers tungo sa pagkamada ng 20 puntos mula sa bench. Si Shaun Livingston ay umiskor ng 15 puntos, si Paul Pierce ay may 13 puntos at si Joe Johnson ay nagdagdag ng 13 puntos para sa Nets.
Ang Game 3 ay gaganapin bukas sa Brooklyn.
Lamang ang Miami ng dalawang puntos sa kalagitnaan ng ikaapat na yugto bago nakapagbuslo ng dalawang sunod na tres para makalayo sila sa Brooklyn at sinelyuhan ang panalo sa pamamagitan ng isang marathon possession para sa isang NBA team na 100 segundo.
Hindi nakuha ng Nets ng bola hanggang sumapit ang 1:59 marka kung saan nagawang humablot ng Heat ng tatlong offensive rebounds para mapahaba ang kanilang ball possession at itaguyod ang 10 puntos na bentahe tungo sa pag-uwi ng panalo.
Hindi naman nagawang makaiskor ng Miami sa unang 3:32 marka ng laro, na siyang pinakamahabang scoring drought para sa Heat sa kanilang home game magmula noong 2005.
Gumawa naman si Kawhi Leonard ng 20 puntos habang si Tony Parker ay nagtala ng16 puntos at 10 assists para pamunuan ang Spurs sa komportableng panalo laban sa Trail Blazers.
Si Manu Ginobili ay nagdagdag ng 16 puntos, si Marco Belinelli ay may 13 puntos at si Tiago Splitter ay nag-ambag ng 10 puntos at 10 rebounds para sa Spurs.
Umiskor si Nicolas Batum ng 21 puntos para pangunahan ang Portland. Si Damian Lillard ay may 19 puntos habang si LaMarcus Aldridge ay nag-ambag ng 16 puntos at 10 rebounds para sa Blazers na nahirapang umiskor laban sa matinding depensa na inilatag ng San Antonio.
Iho-host ng Portland ang Game 3 bukas.
( Photo credit to inquirer news service )