NANG dahil sa sinapit ni Conrad Capa, inililok ng pait ng Crame at Malacanang sa isipan at damdamin ng lahat ng nalalabing matitino , nag-iisip at nagtatrabahong mga pulis na kapag malapit sa kusina ng liderato ng PNP at kahit na sinong hudas sa Palasyo, huwag hulihin kahit siya’y kaharap mo na. Nakapupundi talaga. Pagkatapos ng mahabang panahon ng tiyaga’t pagsisikap ay itatapon ka lang sa kabila ng iyong malaking nagawa sa bayan at hindi sa bayad.
Pero, noong Sabado, nagulantang ang matitinong pulis sa pahayag ni Mar Roxas, ang asawa ni Korina Sanchez. “Meritocracy, those who have track record and can deliver in our anti-criminality campaign will be given promotion and position,” ani Roxas. Ha?! Bakit ganoon ang sinapit ni Capa? Ngayon pa lang ay namimili na ang mga pulis, kanilang pamilya, kamag-anak at mga kaibigan kung sino ang iboboto sa 2016. Kung napakaraming tangapagsalita sa gobyerno, hindi naman simbobobo nila ang mga pulis.
Noong Miyerkules ang tanging araw na ang aggie journalists (kabilang ang inyong lingkod sa tropang iyan, panahon pa ni Bong Tanco ng lalawigan ng dakilang pitong lasing) ay parang sinasangag sa tubig, ala eh igihin pa. Dalawa ang kalihim sa Department of Agriculture! Aba’y hindi ito ginawa nina Ferdinand Marcos, Corazon Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada at Gloria Arroyo. Tsk, tsk, tsk.
Ayon sa nananaginip na gobyerno, magiging bastante sa bigas ang bansa simula 2013. Kahit na sinong aggie journalist ang nagsasabi na hindi naganap ito (maliban na lang sa aggie journalist na tangapagsalita ng DA). Paano magiging bastante sa bigas ang bansa gayung lahat ng ekonomista, gobyerno man o pribado, tuta man o pakawalang aso, ay iginigiit na kailangang umangkat ng 1.2 milyon tonelada ng bigas ngayong taon, kundi’y Paskong mais at kamoteng kahoy tayo sa Disyembre? Palakpakan ang Alyansa Agrikultura sa kanilang makatotohanang pag-aaral at pagsusuri.
Hindi maigigiit ni Alan Purisima na mababa ang bilang ng krimen, lalo na ang holdapan sa kalye, grocery, jeepney, taxi, LBC Padala, atbp. Uso ngayon ang “tago-krimen.” Sa Bagong Silang, Caloocan, dalawang beses nang nahoholdap ang isang fastfood. Alam ng namuhunan na mahoholdap siya balang araw dahil marami ang krimen sa lugar na ito. Pero, may nakahanda nang “pambigay” ang namuhunan. Tumaas ang bilang ng krimen dahil sa batas ni Francis Pangilinan. Ang kanyang batas ay nagbibigay proteksyon sa mismong menor de edad na mga magnanakaw. Sila ang pinakamarami dahil ang mga bata ang ginagamit ng pusakal na matatanda. Sa nakawan ng mga batang hamog sa Makati, nagulat pa ang mga pulis dahil dala na ng mga kawatan ang Xerox copy ng kanilang birth certificate at isinasangkalan na mismo ang batas ni Pangilinan na hindi dapat sila ikulong. Siyempre, kailanman ay hindi mabibiktima ng mga batang hamog ang dating senador at maaaring tumakbo sa pagkasenador sa 2016. Sa kanyang bagong puwesto pero malabo pa sa sabaw ng pusit sa pitong lasing sa Batangas, maaari niyang mapabango ang kanyang pangalan sa susunod na 16 na buwan, o wala ring maipakitang pagbabago sa Department of Agriculture.
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Di na kailangan idaan pa sa Senado an EDCA dahil iilan lang sa kanila ang talentado at may legal mind. At dahil mga artista ang ibinoto natin, papogi lang ang mga iyan sa Senado. Romy, Davao Or.
Mga opisyal ng pulisya sa Caraga Region at Criminal Investigation Group ang protektor at may hawak ng ilegal na sugal ng lastu at swertres. Bakit ayaw imbestigahan ito? …Solomon, 53, Lianga, Surigao del Sur.
Tutal hindi na interesado si Freddie Roach sa Pacman-Bradley 3, sana’y maghanda na lang si Pacman sa kanyang susunod na laban. Baka naman habang walang laban ay umabuso siya sa kanyang kalusugan. …8940
Ngayon pa lamang ay mahina na ang presyon ng tubig dito sa amin sa Manuguit, Tondo at sa bahay ng nanay ko sa Obrero. Pero, mataas ang singil sa amin, bukod pa sa nagbabayad din ako sa paigib. …8900.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.