Ybanez kumubra ng 3 ginto sa Palaro archery

SANTA Cruz, Laguna — Tatlong ginto pa ang pinana ni Mary Queen Ybanez ng Ilocos Region para tumatag ang paghahabol na maging isang eight-gold medal winner sa secondary girls archery competition sa 2014 Palarong Pambansa kahapon na ginagawa sa Laguna Sports Complex.

Matapos dominahin ang mga distansyang 30m (342) at 40m (316) noong Martes, isinunod ng 16-anyos na si Ybanez ang pagbulsa sa ginto sa 50m (325) at 60m (313) para sa ikatlo at apat na gintong medalya.

Ang ikalimang ginto ay mula sa pinagsamang puntos sa apat na distansya na nasa 1296 para maging number one sa Olympic round na paglalabanan ngayong umaga.

“Ikatlong Palaro ko na po ito at goal ko talaga sana ay maka-8 gold medals,” wika ni Ybanez na hindi nagkaginto sa unang Palaro noong 2012 bago nanalo ng tatlo sa Dumaguete City noong nakaraang taon.

Bukod sa Olympic Round, ang kauna-unahang atleta na nanalo ng limang ginto sa edisyon na itinaguyod ng Laguna, ay lalaban pa sa team at mixed team events.

“Ngayon lamang ako na naka-hit ng 300 sa 60 meters kaya confident ako na kaya ko pang manalo,” banggit pa ni Ybanez na naglalaro ng may checkered plaster sa kaliwang pisngi at nakatakdang katawanin ang Pilipinas sa Seoul International Youth Archery sa Agosto.

Nakontento naman ang double gold medalist at Palaro record breaker Bryan Jay Pacheco ng Central Luzon sa pilak na medalya sa shotput sa athletics na kinakitaan ng pagharurot ng NCR sa tatlong ginto.

Ang record holder sa discus throw at javelin throw na si Pacheco ay nagtala lamang ng 36.94m upang pumangalawa lamang kay Kenneth Rafanan ng host Southern Tagalog na may 40.60m marka.

Sa 400m hurdles naipamalas ng NCR ang angking husay para tulungan ang delegasyon na layuan pa ang mga kalaban para sa overall title.

Sina Jaime Immanuel Mejia (54.70) sa secondary boys, Jerard Christian Grafil (1:03) sa elementary boys at Ellah Therese Sirilan (1:08.7) sa elementary girls, ang mga naghatid ng gintong medalya para sa NCR na may nangungunang 23 ginto bukod pa sa 10 pilak at 14 tansong medalya.

Ang host region ay nasa ikalawang puwesto bitbit ang 13 ginto, 13 pilak at 14 tanso habang ang Western Visayas ang pumapangatlo sa 10-8-10 medal count.

Read more...