PBA winning streak

TATLONG panalo na lang at mawawalis na ng Talk ‘N Text ang kabuuan ng PLDT Home TVolution PBA Commissioner’s Cup at muling magkakampeon ang Tropang Texters.

Subalit kahit na magawa nila ito ay hindi pa rin nila mapapantayan ang record para sa longest winning streak sa isang conference. Ito ay hawak ng legendary Crispa Redmanizers na nakagawa ng record noong 1980.

Magugunitang sa taong iyon ay nakuha ng Redmanizers ang top players ng powerhouse amateur team na APCOR tulad nina Elpidio Villamin, Ramon Cruz, Arturo Cristobal at Padim Israel.

Naisama ito sa mga established superstars ng Crispa kagaya nina Atoy Co, Philip Cezar, Abet Guidaben, Freddie Hubalde at Bernie Fabiosa.

Kumbaga’y dalawang  powerhouse teams ang pinag-isa sa Crispa squad sa ilalim ng maestrong si Virgilio “Baby” Dalupan.
Paano nga naman matitibag iyon.

Hindi nga natibag ang Redmanizers at nagtuluy-tuloy sila sa best-of-five Finals kontra sa kanilang karibal na Toyota.
Tungo sa Finals ay nagtala sila ng 17 sunud-sunod na panalo.

So, ang target nila ay 20 straight wins para ma-sweep ang All-Filipino Conference at maiuwi ang korona nang hindi man lamang nagugurlisan.

Nagwagi ang Crispa sa unang dalawang laro ng Finals at isang panalo na lang ang kailangan nila para makumpleto ang makasaysayang sweep.

Pero hindi nangyari iyon. Nanalo sa Game Three ng Finals ang Toyota na kung tama ang aking alaala ay ginabayan ng team owner na si Don Pablo Carlos matapos na tanggalin niya ang noo’y head coach na si Fort Acuna.

Pansamantala ang pagkabalam ng selebrasyon ng Crispa dahil nanalo ang Redmanizers sa Game Four upang magkampeon.
Pero sa kabila ng pagkatalo, hindi na rin masama ang loob ng pamunuan at mga manlalaro ng Toyota na kinabibilagan nina Sonny Jaworski, Mon Fernandez at Francis Arnaiz.

Kasi, napigilan nila ang sweep ng Crispa. Hindi naging buong-buo  ang tagumpay ng Redmanizers. Nabahiran ang kanilang record.

So, sa record books ng PBA, ang nakarehistrong longest winning streak para sa isang conference ay 19 games noong 1980.
Well, hindi man mapapantayan ng Talk ‘N Text ang 19-game winning streak, puwede namang makakumpleto ng sweep ng isang  conference ang Tropang Texters. At iyon ay isa ring record na mahirap burahin kung sakali.

NAKATANGGAP tayo ng text message mula kay coach Adonis Tiera. Aniya may tryouts para sa basketball team ng New Era University na nagsimula kahapon hanggang sa May 9. Ang mga interesado ay maaring magtungo sa New Era Gym sa Commonwealth, QC. Para sa karagdagang detalye, maaaring tumawag sa 09167019282 at 09998833055.

Read more...