Nakahanap ng katapat | Bandera

Nakahanap ng katapat

Ramon Tulfo - May 06, 2014 - 03:00 AM

TOTOO yung tinuran ni Elections Commissioner Grace Padaca na yung mga maliliit na mamamayan ang nakukulong sa paglabag ng election law.

Wala pang malaki o maimpluwensiyang tao ang nakulong sa election law violation.

Tingnan mo na lang itong si Jeffrey Astero, 20 anyos, ng Mankayan, Benguet, ani Padaca.

Nasentensiyahan ng limang taong pagkabilanggo si Astero dahil siya’y nahulihan ng mga bala sa kanyang bulsa noong May 2013 midterm elections gun ban.

Napulot lang daw ni Astero ang mga bala sa kalye at isinilid sa kanyang bulsa.

Ang kaso, nahuli si Astero kasama ang ilan pang teenagers na nasangkot sa destruction of property.

Kinasuhan si Astero ng mas mabigat na kasong illegal possession of explosives in relation to the election ban.

Nakita kasi ng mga pulis ang mga bala nang siya’y kapkapan matapos siyang maaresto.

Nilitis si Astero ng ilang buwan, napatunayang maysala, at sinentensiyahan.

Sinabi ni Padaca na si Astero, na walang kaalam-alam sa batas, ay ipapasok na sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa.

Pareho ang kaso ni Astero kay Senior Supt. Elnora Bernardino, dating PNP provincial director ng Palawan.

Pero ang kaso ni Bernardino, na sinampahan ng kasong violation of election law noong 1998, ay dinidinig pa hanggang ngayon.

Mga 15 taon na nakabinbin ang kaso ni Bernardino sa Puerto Princesa regional trial court.

Maraming nagsasabi na pinatatagal lang ang kaso upang makalimutan na ng publiko at siya’y mapawalang-sala.

Si Bernardino ay miyembro ng maimpluwensiyang Iglesia ni Cristo.

Paano nakasuhan ng election gun ban violation si Bernardino?

Siya’y pumirma ng mission orders ng ilang goons ng isang provincial official ng Palawan na tumatakbo ng reelection.

Nahuli ng mga tauhan ni Supt. Feliciano Dimayuga, hepe ng pulisya ng Puerto Princesa City, ang mga goons ng provincial official sa isang checkpoint.

Sinampahan ng kasong gun ban violation ang mga goons, kasama si Bernardino dahil nakapirma siya sa mission orders.

Tanging ang Commission on Elections o Comelec lamang ang nakakapagbigay pahintulot sa mga sundalo, pulis at sibilyan na magdala ng baril sa election period.

Kailangan ng permit sa Comelec upang makapagdala ng baril.

Ngayon, sino ang mas malaki ang kasalanan: Si Astero, na isang ignoranteng mamamayan, o si Bernardino na lumabag ng election gun ban kahit alam niya ang batas?

Bakit hindi maparusahan si Bernardino samantalang si Astero ay nakakulong na?

Simple lang ang sagot diyan: Ordinaryong mamamayan si Astero at malakas si Bernardino dahil siya’y may backer na maimpluwensiyang grupo.

At dahil sa tagal ng kaso, baka makalimutan na ng mamamayan ng Puerto Princesa ang kasong lantarang paglabag ng election law ni Bernardino.

Alam n’yo, itong si Bernardino, bago siya nakasuhan, ay naglilibot sa Puerto Princesa na maraming kasamang bodyguards na nagdadala ng Uzi machine pistol.

Masyadong pasikat itong si Bernardino dahil ang mga tao sa Puerto Princesa ay nabubuhay ng tahimik.

May mga pagkakataon na nalantad ang kanyang pagiging abusado kahit siya’y babae.

Halimbawa, pinagtatadyakan niya ang isang karpintero dahil mabagal ang paggawa ng bahay na kanyang pinatatayo sa Puerto Princesa.

Pero tiklop siya kay Dimayuga noong inaresto ang kanyang mga bataan.

Sinugod ni Bernardino si Dimayuga sa opisina ng huli at pinagalitan ito sa harap ng mga nahuling goons.

Pinagsisigawan ni Bernardino si Dimayuga na nakabababa ng ranggo sa kanya.

Sinagot siya ni Dimayuga, “Ma’am ginagalang kita, pero kapag di ka umalis sa opisina ko baka tumimbuwang ka diyan,”

Hawak ni Dimayuga ang kanyang baril.

Nagmadaling umalis si Bernardino at mga kasamahan niya sa opisina ni Dimayuga.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Si Bernardino, na minumura at dinuduro ang chief ng Philippine National Police noon na si Director General Recaredo Sarmiento ay nakahanap ng katapat.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending