Nets nalusutan ang Raptors sa Game 7

TORONTO  — Matapos na maagawan ng bola sa naunang play ay bumawi si Paul Pierce nang tapalin nito ang tira ni Kyle Lowry para magwagi ang  Brooklyn Nets sa Toronto Raptors, 104-103, sa Game 7 ng kanilang best-of-seven first round NBA Playoffs series.

Uusad ang Nets sa susunod na round at makakalaban nila ang nagdedepensang kampeong Miami Heat umpisa bukas sa Miami.
Lamang ng isang punto ang Nets nang tumawag ito ng timeout dahil nahirapan silang i-inbound ang bola.

Sa sumunod na play ay  ipinasa ni Shaun Livingston ang bola kay Pierce ngunit nabasa ni Terrence Ross ang pasa kaya naagaw niya ang bola at ipinukol niya ito sa braso ni Pierce bago ma-out of bounds.

Agad namang tumawag ng timeout ang Raptors para idisenyo ang final play ng serye. Nakuha ni Lowry ang inbound at nagmaniobra ito para makapasok sa shaded area para tumira ng  isang layup.

Nakaabang naman doon si Pierce at tinapik ang bola papalayo sabay tunog ng final buzzer. Hindi pa nananalo sa isang Game Seven ang Raptors.

Ang Nets ay pinangunahan ni Joe Johnson na ikinalat ang 13 sa kanyang 26 puntos sa final period. Nagdagdag naman ng 17 puntos si Marcus Thornton at may 12 puntos at 11 rebounds si Kevin Garnett para sa Nets.

Si  Amir Johnson  ay nagtapos na may 20 points at 10 rebounds  bago nag-foul out para sa  Toronto.  Nag-ambag naman ng 28 puntos si    Lowry.

Spurs 119, Mavericks 96
Sa  San Antonio, umiskor ng 32 puntos si  Tony Parker para tulungang makalusot sa Game Seven ang top seed Spurs sa eighth seed Mavericks.

Umpisa pa lang ay dinomina na ng San Antonio ang laro at lumamang pa ito ng 31 puntos sa isang punto. Nagdagdag naman ng 20 puntos si  Manu Ginobili para sa San Antonio na makakasagupa sa susunod na round ang Portland TrailBlazers.

May 16 puntos naman si  Danny Green at kapwa gumawa ng 15 puntos sina  Tim Duncan at Kawhi Leonard para sa Spurs.
Ang Mavericks ay pinangunahan ni Dirk Nowitzki na may 22 puntos at  nine rebounds.

( Photo credit to inquirer news service )

Read more...