WALANG malisya ang pagkakaibigan nina Jake Cuenca at Shaina Magdayao. Sinisiguro ng hunk actor na walang namamagitang “something” sa kanila ng kanyang leading lady sa bagong teleserye ng ABS, ang Kung Ako’y Iiwan Mo).
Ayon kay Jake, wala man daw siyang idea kung nagkabalikan nga ba sina Shaina at John Lloyd Cruz, pero para sa kanya hindi naman tama na samantalahin niya ang pagkakataon para maka-score sa young actress.
At kung nagkabalikan man daw sina Shaina at John Lloyd, makakaasa raw ang aktor na hindi niya aahasin ang girlfriend nito. Say pa ng hunk actor talagang trabaho lang ang ginagawa nila ni Shaina at sobrang proud siya sa ginagawa nilang teleserye.
“Si Shaina, sobrang sarap na katrabaho, sa totoo lang. At saka ‘yong ginagawa namin sa soap ay isang bagay na hindi pa niya ginagawa sa kahit na anong proyekto na ginagawa niya.
“So ako, proud lang ako sa kanya. Inaalalayan ko lang siya. At ano naman kay Lloydie, wala naman siyang kailangang alalahanin pa. Dahil magkaibigan din naman kami ni John Lloyd,” chika ni Jake sa isang interview.
May nagtanong kay Jake, paano kung sa tagal nilang magkasama ni Shaina dahil sa kanyang proyekto ay ma-develop sila?
“Sa totoo lang, sobrang ganda ni Shaina. Wala talaga akong masabi. Napakaganda niyang babae. Sobrang bait pa.
Talagang nakakabighani siya. Actually, matagal na akong fan ni Shaina noong bata pa lang siya. At talaga namang, ang galing niyang umarte. So, talagang napakaswerte ko dahil naging partner ko siya,” pahayag pa ni Jake.
Ayaw namang mag-comment ni Jake tungkol sa tunay na estado ng relasyon nina Shaina at Lloydie, aniya, personal na buhay na raw ng dalawa ‘yun at wala naman daw siyang karapatang makisawsaw sa issue nila.
Pero inamin niya na may mga napag-uusapan sila ni Shaina tungkol sa personal na aspeto ng buhay nito.
“Nagkukuwentuhan kami paminsan-minsan. Pero para sa amin na ‘yon. I mean, sa amin na lang kung ano ‘yong mga napag-uusapan namin sa set,” say pa ni Jake.