Piging sa Bahay ni Diko

Matatagpuan sa pusod ng Kamistisuhan, Malolos, Bulacan ang karangyaan ng Bautista Mansion.  Bilang bahagi ng Malolos Food Tour  noong nakaraang Abril 9 ay binisita ng mga kasapi ng Culinary Historians of the Philippines (CHOP) ang tahanan ni Dez Bautista, kilala sa Malolos bilang Diko (nakakatandang kuya) at bantog na production designer ng pelikulang Pilipino.

Ang dalawang palapag na mansyon, ay itinayo noong 1855, at muling ginawa sa estilong Neo Classical noong 1877.Noong panahon ng Malolos Republic, ang mansyon ay nagsilbing tanggapan ng Secretaria de Fomento dahil ang nagmamay-ari nito, si Don Antonio Bautista, ay may mataas na katungkulan noong panahon ng Rebolusyon at siya rin ang tumayong tenyente koronel at aide-de-camp ni Gen. Emilio Aguinaldo.

Noong katanyagan ng kilusan ng La Liga Filipina, naging bisita sa mansyong ito si Dr. Jose Rizal at iba pang bayani ng bansa.  Ginamit din ito bilang munisipyo ng bayan ng Malolos at naging barracks noong panahon ng Hapon.

Kalaunan ay naging tahanan ito nina Joseling at Norma Bautista. Ipinamana nila ito sa kanilang anak, na si Dez Bautista, na siyang naging matapat na tapagpag-alaga ng mansyon.

Hindi ordinaryong masyon ang tahanan ng mga Bautista dahil nababalot ito ng maraming kwento. Kung nakapagsasalita lamang ang mga dingding nito, sigurado ay marami tayong mapupulot na samutsari at makulay na kaganapan.

Pagpasok pa lang sa  mansyon ay sumalubong na sa amin ang isang hagdan na yari sa malapad na kahoy. Ang barandilya nito ay may kalupkop na disenyo, na katangian ng mga tahanan ng mga Mestizo-Chino sa kalagitnaan ng ika-19 siglo.

Kapansin-pansin din ang mga magagarang muwebles na antigo, mga kristal na chandelier, mga likhang sining na gawa nina Amorsolo, Hidalgo at Guerrero at mga ga-higanteng rebulto ng mga santo na iniluluklok sa karosa na makikita sa tuwing fiesta at Kuwaresma.

Noong kalagitnaan ng dekada 70 ay ibinalik ni Diko ang anyo ng mansyon sa dati nitong karangyaan. Noon na rin nagsimula ang matagumpay niyang karera bilang manunulat, manlilikha ng sining, mananalaysay, at nagdidisenyo ng produksyon para sa pelikula.

Isa sa mga ambag niya sa industriya ay ang pagtatatag ng Production Designers Guild of the Philippines (PDGP) kung saan marami ang sumunod sa kanyang yapak.

Ngayon, ang pinakamahalagang tungkulin niya ay ang pagpapalaganap ng pamana ng Malolos, hindi lamang sa larangan ng kalinangan kundi maging ang mga malapit nang malimot na lutuin.

Nagbunsod dito ang hilig niya sa pagluluto at pag-aalay ng piging at salu’salo sa kanyang mga kaibigan. Aniya minarapat niyang ungkatin ang mga lutuin ng kanyang mga ninuno at ihain ito bilang “period meals” o mga sinaunang pagkain.

Ipinaliwanag ni Diko na noong panahong nasasakop pa tayo ng mga Kastila, iba ang pagkain sa itaas at sa ibaba ng bahay.
Aniya, kapag nasa ibaba, ito ay pagkain ng mga kasambahay, at kapag nasa itaas,  ito ay para sa may-ari at mga importanteng bisita.

Ibinida rin niya sa amin na ang paboritong pagkain ng kanyang mga ninuno ay ang Pavo Embochado o hinurnong pabo na may palamang kastanyas. Kanya ring binanggit ang Bringhe, Galantinang Manok at Asado de Carajay na laging bida sa pista.

Makaraan ang pag-iikot ay pinagsaluhan namin ang natatanging lutuing sinauna ng Malolos na inihanda ni Diko. Para sa simula, Suam na Mais, isang malinaw na sopas na tinampukan ng mais Tagalog, giniling, sitaw, dahon at bulaklak ng kalabasa.

Bilang pampagana, Kinilaw na Bangus na may Kesong Puti na gawa sa gatas kalabaw at Lumpiang Kastila, na sinangkapan ng giniling na karne ng baka, nilagang itlog at garbanzos.

Para sa pangunahing pagkain, natikman namin ang Baboy na Luto sa Toyo, na sinangkapan ng sangke, at Pescado a la Reyna o pinasingawang apahap na may sarsa mayonesa na pinalamutian ng butil-butil na carrots at pulang pimiento.

Para sa aming kanin, Bringhe, na gawa sa malagkit at gata na may hipon at pimento. Sa pagtatapos, Leche Flan de Manga ang panghimagas at Melon Tagalog ang pampalamig.

Nawa’y maipagpatuloy ni Diko ang paggawa ng makasaysayan at masarap na piging na ito. Sa patuloy na paghahanda ng ganitong uri ng pagkain, hindi natin malilimutan ang mga kinagisnang pagkaing Pilipino. Ito ang diwa kung bakit itinatag ang CHOP.

Kung may mungkahi, reaksyon o katanungan, mag-text po lamang sa Smart: 0947 693 0231 at sa Globe/TM: 0936 591 6380. Huwag kalimutan isulat ang pangalan at lugar. Salamat po.

BRINGHENG BULAKAN
(Mula sa aklat, Kasaysayan ng Kaluto
ng Buyan ni Milagros S. Enriquez)

DAHIL sa malaking pagkakahawig nito sa paella at arroz valenciana na karaniwang lutong Kastila, naging malaking palaisipan sa mga kusinero o nagluluto kung sino nga talaga ang nangopya, kung kanino talaga nagmula ang kalutong ito.

Subalit hindi rin maikakaila na ang mga panangkap tulad ng luyang dilaw, malagkit, niyog at mga lamang-dagat ay mga katutubong sangkap.

Ang ating mga ninuno ay gumagamit ng mga sangkap na ito sa kanilang kaluto kaya masasabi nating marahil tayo ang nagsimula nito kundi man mayroon tayong pinakasimula ng ganitong kaluto, at dinagdagan lang natin ng mga sangkap dahil sa impluwensya ng dayuhan.

Mga Sangkap
3 tasang malagkit
4 tasang gata
1 tasang alimango / alimasag na hinati-hati na kasama ang lamang nakuha sa pinukpok na mga sipit
2 malaking siling pasilyas na pula at berde (hiniwa ng pahaba)
3 ulo ng bawang (dinikdik)
2 sibuyas (ginayat)
2 nilagang itlog
luyang dilaw (kinatas)
asin at paminta (pampalasa)
mantika
pusit (tinanggalan ng tinta)

Pamamaraan
Isaing ang malagkit sa gata, katas ng luyang dilaw, asin at paminta. Hayaang maluto, Igisa ang alimango, hipon, at pusit hanggang maluto ito.

Ihalo sa sinaing ang lahat ng sangkap na iginisa. Haluing mabuti. Ilagay at balutin ng dahon ng saging at hayaang pasingawin ng ilang minuto. Lagyan ng hiniwang itlog bago ihain.

Read more...